LPG

Presyo ng gas posibleng tumaas dahil sa tensyon sa ME, iba pa

Edd Reyes Aug 30, 2024
76 Views

POSIBLENG gumalaw na naman ang presyo ng mga produktong petrolyo pagpasok ng Setyembre makaraan ang katiting na bawas presyo noong Agosto 27 pero halos tiyak na tataas ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG).

Sa tantya ng Department of Energy (DoE) maglalaro sa 20 sentimos hanggang 45 sentimos kada litro ang itatapyas sa presyo ng gasolina. Posible namang walang paggalaw o dagdag na 20 sentimos kada litro sa diesel habang 45 sentimos hanggang 55 sentimos kada litro ang itataas ng gaas o kerosene.

Ayon kay DOE Assistant Director Rodela Romero ng Oil Industry and Management Bureau (OIMB), ang pagtaas ng tensiyon sa Gitnang Silangan at pagtigil ng produksiyon ng langis ng bansang Libya na nagresulta sa pagkabahala sa presyuhan ng petrolyo sa pandaigdigang merkado ang ilan sa dahilan ng pagtaas ng presyo ng langis sa lokal na merkado.

Kadalasang ini-aanunsiyo ng mga lokal na kompanya ng langis sa bansa ang panibagong paggalaw sa presyo ng kanilang mga produkto tuwing Lunes at ipapatupad ito kinabukasan.

Namumuro ring tumaas ang presyo ng mga LPG sa unang araw ng Setyembre mula P2 hanggang P3.50 kada kilo o katumbas P22.00 hanggang P38.50 na pagtaas sa tangke na 11 kilo.