Adiong Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong

Giit ni Adiong: Panagutin DepEd supplier na bigong matupad kontrata para sa Last Mile Schools Program

62 Views

HINILING ni House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong sa Department of Education (DepEd) na panagutin ang mga supplier na nabigong matupad ang kontrata para sa Last Mile Schools Program (LMSP) noong adminstrasyong Duterte hanggang sa pamunuan ni Vice President Sara Duterte ang ahensya.

Ayon kay Adiong, 50 porsiyento lang ng P20.54 bilyong pondo ang nagamit, na maituturing umanong disservice sa mga mag-aaral na nasa malalayong lugar.

Sa pagtalakay ng panukalang P793.18 bilyong pondo ng DepEd para sa 2025, kinondena ni Adiong ang atrasadong pamamahagi ng kagamitan gaya ng computer set sa ilalim ng LMSP at hinikayat ang ahensya na sampahan ng kaso ang mga supplier na hindi nakatupad sa kanilang obligasyon.

Ang naturang pagkaantala ay nagsimula noon pang 2020 sa panahon ng administrasyong Duterte at nagpatuloy hanggang nitong 2023 sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Duterte na bumaba lamang sa puwesto bilang kalihim ng DepEd nitong Hulyo 19.

Pinalitan naman siya bilang kalihim ni Senador Sonny Angara.

“You’re asking for a P10 billion budget for the same program, yet you have not utilized the remaining funds properly, and you did not even file a complaint against these erring suppliers,” ani Adiong, sabay diin na dapat panagutin ang mga kompanya dahil sa kanilang pagkabigo.

Layunin ng LMSP na punan ang gap o kakulangan ng mga eskuwelahan na nasa mga bundok at isla sa pamamagitan ng pagpapaganda sa kanilang mga silid-aralan at iba pang imprastraktura, lalo na ang mga walang kuryente.

Tinukoy ni Adiong na sa P20.54 bilyong alokasyon sa LMSP, 50 porsiyento o P10.29 bilyon lang ang nagamit kaya nakuwestyon ang kakayanan ng ahensya sa pamamahala ng pondo.

Sa kabila ng target na pagpapatayo ng mga pasilidad sa 152 lugar, malaking bahagi ng pondo ang hindi pa nagasta kaya naman nakuwestyon ni Adiong ang malaking pagkaantala sa proyekto, lalo na at nanghihingi ang ahensya ng P10 bilyon na kalaunan ay itinama ng kagawaran at sinabing P3 bilyon lamang ang kanilang hinihingi.

Hiningan ni Adiong ng paliwanag ang pagkabalam ng mga proyekto at kung bakit binalik ang pondo gayong obligated naman na ito.

Tugon ni DepEd Undersecretary Epimaco Densing III, sa tatlong contactor na napili para sa LMSP, isa lang ang nakaabot ng 95 porsiyento ng kanilang trabaho.

Habang ang dalawang contractor, kasama na ang dapat gagawa sa Mindanao, ay hindi nakatupad sa kontrata.

“When the infrastructure strand was created, we talked to the three contractors, giving them a chance to continue. After they were given a certain deadline, only one of the contractors was able to finish, I think, 95 percent of what was allotted to it. The other one managed around 25 percent or 30 percent,” paliwanag ni Densing.

Dagdag pa niya, “The balance, I think, they will not be able to build anymore. The third contractor had zero output, and this is the contractor in charge of Mindanao. We are now in the process of terminating those contractors who did not comply with their requirements.”

Bilang kinatawan ng mga residente na naninirahan sa malayong lugar, binigyang diin ni Adiong ang importansya ng LMSP sa pagbibigay ng de kalidad na edukasyon lalo na sa marginalized communities sa bansa.

Hindi naitago ng mambabatas ang pagkadismaya sa mabagal na implementasyon ng proyekto, dahilan para hindi lubusang magamit ang pondo dahil sa pagkukulang ng mga supplier.

“Why are we spending so much money on equipment when the suppliers haven’t fulfilled their obligations? This is a significant issue,” giit ni Adiong, na idiniing nagdulot ito ng malaking kabiguan na maserbisyuhan ang mga mag-aaral na nagangailangan ng kagamitan sa pag-aaral.

Hinikayat niya ang DepEd, sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Angara, na mapanagot at aksyunan ang mga sangkot sa pagkaantala sa pagtupad sa kanilang mga kontrata.

“I hope that we can see at least a sense of accountability. We need to run after those people who have deliberately… talagang niloko tayo,” giit ni Adiong.

Bilang tugon, siniguro ni Angara sa komite na gagawa ng hakbang ang DepEd laban sa mga responsable sa naturang delay.

“Yes, Your Honor, we will go after these people and the suggestion to pay special attention, tututukan po namin,” ani Angara na nangakong itatama ang pagkukulang sa programa

“Sa ibang bansa, kapag dehado ang isang eskuwelahan, dehado mga bata, ‘yan ang binibigyan ng pinakamalaking tulong o pondo. Parang dito sa atin ‘di nangyayari po ‘yan, but we will make sure that changes, Your Honor,” pagsiguro pa niya.