Alba PNP Director for Police-Community Relations Brigadier General Roderick Augustus B. Alba

PNP: VP Sara mali, Quiboloy nasa loob ng KOJC compound

Alfred Dalizon Sep 2, 2024
70 Views

BINASURA ng Philippine National Police (PNP) ang pahayag ni Vice President Sara Duterte-Carpio na nakatakas na umano si fugitive Pastor Apollo C. Quiboloy mula sa Davao City. Giit ng PNP, nananatili pa rin umano si Quiboloy sa loob ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound.

Nitong Setyembre 1, dumalo si VP Sara sa ika-39 na anibersaryo ng KOJC at nakipagkamay sa mga tagasuporta ni Quiboloy. Sa kanyang talumpati, sinabi niya na baka umalis na ng Davao si Quiboloy dahil sa haba ng Senate committee hearing na aniya’y tila “grandstanding” lang. Sa biro pa ni VP Sara, “Nasa langit na siya,” patungkol sa posibleng kinaroroonan ng nagpakilalang ‘Anak ng Diyos.’

Ngunit ayon kay PNP Director for Police-Community Relations Brigadier General Roderick Augustus B. Alba, may classified information silang natanggap na nagkumpirma na nasa loob pa rin ng 30-hectare compound sa Davao City si Quiboloy.

“We respect yung opinion ng ating VP but ang ating Task Force Commander at Special Task Group ay naniniwala na there is existing information consistent na ‘yung subject ng kanilang arrest warrant positive sa area,” ani Alba.

“Sinusuyod ang lahat ng mga pwedeng daanan o lagusan sa buong compound. We are now focused sa mga areas na nag-su-suggest ‘yung ating information na nandun ang ating hinahanap,” dagdag pa niya.

Samantala, sumuporta ang pangunahing abogado ni Quiboloy, si Israelito Torreon, sa pahayag ni VP Sara at sinabing posibleng umalis na nga ang pastor sa KOJC compound noon pang Marso.

Para sa ikatlong pagkakataon, nanawagan muli ang PNP sa pangunguna ni General Rommel Francisco D. Marbil na sumuko na si Quiboloy at harapin ang mga kasong kinakaharap niya, kabilang na ang child abuse at trafficking. Ayon kay Gen. Marbil at DILG Secretary Benjamin C. Abalos Jr., hindi titigil ang operasyon sa KOJC compound hangga’t hindi pa nasusuyod ang buong 30-hectare facility.

“Please naman, nanawagan ako at ito na pananawagan ng lahat, sumuko ka na. Dahil klaro naman ang sinasabi mo, you are deemed to be innocent until your guilt is proven in court. Pero may warrant tayo eh. At ang warrant niyan is People of the Philippines v. Apollo Quiboloy,” pahayag ni Abalos.

“’Yung sinasabi mo walang ka kasalanan, may proseso diyan at yan ay sa korte. Sumuko ka na at harapin mo ang mga akusasyon. ‘Yan ang sa akin, sumuko ka na,” dagdag niya.

Noong nakaraang linggo, nag-demand si Torreon na pumirma si Pangulong Marcos ng isang written declaration na hindi dadalhin si Quiboloy sa Estados Unidos, kung saan mayroon din siyang mga kinakaharap na kasong kriminal. Ngunit tinawag ito ni Pangulong Marcos na “tail wagging the dog,” o pagtatangka ni Quiboloy na diktahan ang gobyerno.

Araw-araw na nag-uulat sina Gen. Marbil at Police Regional Office 11 director, Brigadier Gen. Nicolas D. Torre III kay Sec. Abalos hinggil sa progreso ng kanilang operasyon sa Davao City.

“Pagod na pagod ng mga kapulisan, dami nang hamon ng sumampal sa kapulisan anAd yet we are persistent in capturing Pastor Quiboloy,” sabi ng DILG chief.

“Some of you might be wondering bakit napakatagal ng search but we are looking at an underground facility made of thick stones and thick metals, an underground facility built to withstand any man-made calamity or disaster. It’s really taking time to really penetrate the underground facility but we won’t mention any specific areas so as not to telegraph our punches,” ani PNP spokesperson Colonel Jean S. Fajardo.

Matatandaang si Quiboloy, na malapit na spiritual adviser ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte, ay inakusahan ng sex-trafficking ng mga batang babae at kababaihan na edad 12 hanggang 25 para maging personal assistants o “pastorals,” na umano’y kinailangang makipagtalik sa kanya.

Si Quiboloy, na 74 taong gulang na, at limang iba pang akusado ay sinampahan ng qualified human trafficking at iba pang kaso ng child abuse. Mariing itinanggi naman ng KOJC founder ang lahat ng mga paratang laban sa kanya.

Kasama rin si Quiboloy sa most wanted list ng United States Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, and coercion, sex trafficking of children, at bulk cash smuggling. Ngunit sinabi ng mga opisyal na kailangan munang pagsilbihan ni Quiboloy ang kanyang sentensiya sa bansa bago siya ma-extradite sa U.S.