Calendar
Quad comm natuklasan na Whirlwind top exec Duanren Wu ex-pulis sa China
NATUKLASAN ng House Quad Committee na nag-iimbestiga sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na isang dating pulis sa China si Duanren Wu, ang top executive ng Whirlwind Corporation.
Lumabas ang impormasyon batay sa testimonya ni Katherine Cassandra Li Ong, Whirlwind stakeholder at isa sa mahahalagang testigo sa isinagawang pagsisiyasat ng quad committee na binubuo ng House Committees on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts.
Inamin ni Ong, na inaanak din ni Wu, na ang kaniyang boss ay dating nagsilbi sa gobyerno ng China bago pumasok sa pagnenegosyo.
“Ang alam ko lang po is nagtatrabaho siya sa government agency noon, tapos nag-resign na po after,” tugon ni Ong sa pagtatanong ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, chair ng Committee on Dangerous Drugs.
“Simpleng police lang po siya, pero again, nag-resign na rin po siya,” dagdag pa ni Ong.
Pag amin ni Ong, kilala rin niya ang isang Mr. Cheng, na siyang may ari ng Lucky South 99, isang POGO hub sa Porac, Pampanga, na sinalakay ng mga otoridad noong Hunyo dahil iligal ang operasyon nito.
“Basta ang alam ko po ang may-ari ng Lucky South, si Mr. Cheng. I’m gonna give you his full details once na ma-call ko po ‘yung mga tao,” sabi niya.
Nababahala naman si Barbers na posibleng pagkakasangkot sa iligal na aktibidad ng mga kasosyo ni Ong sa negosyo.
“Hindi kaya galing sa drugs ang negosyo no’ng mga partner mo, ‘yong mga kasyosyo mo?,” tanong ni Barbers.
Mariin naman itong itinanggi ni Ong at sinabi, “Sigurado po ako, hindi po.”
Nausisa rin ni Barbers si Ong sa posibilidad ng money laundering.“Hindi kaya ito ay nilo-launder lang, money laundering dito sa Pilipinas, ‘yong perang galing sa mga illegal na source?”
Muling pinabulaanan ni Ong ang pakikibahagi at tumugon, “If you’re gonna ask me po, hindi po.”
Kalaunan ay isiniwalat ni Barbers na si Wu, na sinasabi ni Ong na malapit sa kaniya tuwing bumibisita sa Pilipinas, ay may negative record habang nagsisilbi bilang pulis sa China.
“Alam mo ba na may mga record siya, sa pagiging pulis… maraming negative na record siya doon sa China,” sabi ni Barbers kay Ong na sinabing wala siyang alam tungkol sa nafurang impormasyon.
Nananatili si Ong sa kustodiya ng Kamara habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.