Bitrics Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro

Quad Committee ibinasura mosyon ni Harry Roque na ibasura subpoena

31 Views
Abante
Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr.

IBINASURA ng House Quad Committee sa pagdinig noong Miyerkoles ang mosyon ni dating presidential spokesperson Harry Roque na ibasura ang subpoena na inilabas ng komite upang makuha ang mga dokumento gaya ng business records, tax returns, at Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALNs).

Sa kanyang naunang pagharap sa komite, nangako si Roque na magsusumite ng kopya ng mga dokumento na hinihingi ng komite para sa isinasagawa nitong imbestigasyon kaugnay ng iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Pero sa halip na magpadala ng kopya ng mga dokumento, naghain si Roque ng motion to quash the subpoena dahil malalabag umano ang right to privacy ng kanyang pamilya at masasagaan nito ang kanyang right to remain silent at proteksyon laban sa self-incrimination.

Nabigo rin si Roque na dumalo sa huiing dalawang pagdinig ng Quad Committee kaya naglabas na ang panel ng show cause order laban sa kanya.

Sa mosyon ni Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr., chair ng Committee on Human Rights, sinabi nito na dapat ipaliwanag ni Roque kung bakit hindi ito nakadalo sa pagdinig noong Agosto 28 at Setyembre 4.

Si Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro naman ang naghain ng mosyon na ibasura ang motion to quash ni Roque. Inaprubahan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, ang lead chairman ng quad committee ang mosyon matapos na walang magpahayag ng pagtutol dito.

Iginiit ni Luistro ang kahalagahan ng mga hinihinging dokumento na inaasahang makapag-uugnay kay Roque sa Lucky South 99, isang iligal na POGO sa Porac, Pampanga.

Sinabi ni Luistro na kung hindi aakma ang legal na kinita ni Roque sa kanyang mga asset ay maaaring mapalakas nito ang paniwala na siya ay kumikita sa operasyon ng POGO.

Ang imbestigasyon ay maaari umanong magresulta sa pag-amyenda sa mga batas gaya ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, Anti-Money Laundering Act, Corporation Law, at maging Code of Professional Responsibility and Accountability for Lawyers.

Hinihingi ng komite ang kopya ng deed of sale ng lupa na binenta umano ng pamilya ni Roque sa Multinational Village, Parañaque; ang dokumento kaugnay ng paglipat ng Biancham shareholdings; extra-judicial settlement para sa ari-arian ng kanyang tiyahin, kopya ng SALN mula 2016 hanggang 2022; at 2018 income tax return.

Iniugnay ang pagdami ng asset ni Roque sa paglaki ng operasyon ng POGO sa bansa noong nakaraang administrasyon.

Itinanggi naman ni Roque na siya ay abugado ng Lucky South 99 at iginiit na ang kanyang kliyente ay ang Whirlwind, isang POGO service provider. Pero batay sa mga dokumento na hawak ng komite si Roque ay konektado sa dalawang kompanya.

Si Roque ay ipinatawag ng komite matapos mahuli sa kanyang bahay sa Benguet ang dalawang Chinese national na iniuugnay sa iligal na operasyon ng POGO. Inamin ni Roque na konektado ito sa Biancham subsidiary na PH2 na siyang may-ari ng ni-raid na ari-arian.

Nauna na ring sinabi ni PAGCOR Chairman Alejandro Tengco na nakaharap nito si Roque para sa utang ng Lucky South 99.