Loren

Mas mataas na tax-free income threshold para sa manggagawa itinutulak

19 Views

GUSTO nina Sens. Loren Legarda at Pia Cayetano na pataasin ang income tax exemption threshold sa bansa para sa mga manggagawa.

Nanawagan din sila na repasuhin ang P250,000 taunang baseline upang mas lumaki ang maiuuwi ng mga manggagawa sa kanilang pamilya tuwing sweldo.

Maaaring hindi na akma sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya ang umiiral na tax-exempt baseline dahil mahigit walong taon na itong hindi nababago, ayon kay Legarda.

“I support any adjustment to increase the tax-exempt baseline which is set, what is it now, P250,000 per year?” sabi ni Legarda.

Dapat ituring na priority measure ang mga panukala at binigyang-diin na kailangang maging makatao at makatotohanan ang anumang pagtaas habang isinasaalang-alang ang pangangailangan ng pamahalaan sa pondo.

Iginiit ni Cayetano ang pagtaas ng individual income tax exemption threshold matapos niyang sabihing lumiit na ang tunay na halaga ng P250,000 baseline na itinakda noong 2018 dahil sa inflation.

Ayon kay Cayetano, ang compensation income earners ay bumubuo sa 90 porsiyento ng lahat ng individual income tax filers kaya mahalaga ang adjustment para sa mga manggagawa at pamilyang humaharap sa mataas na presyo ng bilihin.

“We haven’t even given an increase yet. We’re basically just covering the same amount that was anticipated to be spent in 2018,” dagdag niya.

Sinabi ni Cayetano na kung itataas sa P400,000 ang tax-exempt threshold, hanggang 98 porsiyento ng tax filers ang maaaring ma-exempt.