Calendar
Cong. Toby Tiangco, Mayor John Rey Tiangco nagpasalamat sa ayuda ni PBBM sa mangingisda
NAGPASALAMAT sina Navotas Congressman Toby Tiangco at Mayor John Rey Tiangco sa tulong pinansyal ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga mangingisda sa lungsod bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanyang kaarawan ngayong Setyembre 13.
“Ibang mag-birthday ang ating Pangulo. Imbes na tayo ang magregalo sa kanya, tayo pa ang binigyan niya ng tulong, at personal n’ya pa itong iniabot sa atin. Buong Pilipinas man ang kailangan niyang intindihin at paglingkuran, hindi niya nakakalimutan ang mga Navoteño,” pahayag ni Mayor Tiangco.
Nakatanggap mula sa Pangulo ang may 4,000 mga rehistradong maliliit na mangingisda sa Navotas ng P7,500 mula sa P43,415,000 pondo sa ilalim ng Presidential Assistance to Fisherfolks Affected by Oil Spill.
Naapektuhan ang kabuhayan ng mga mangingisda sa Navotas sanhi ng nagdaang bagyo, habagat at pagtagas ng langis sa Bataan at Cavite, bukod pa sa pagkasira ng Tangos-Tanza Navigational Gate na lubhang nakaapekto sa kanilang trabaho dahil naaantala ang kanilang paglalayag at lumalaki pa ang gasutusin.
Nakatakda ring tumanggap ng P5,000 pinansiyal na tulong ang mga Persons with Disabilities (PWDs) mula naman sa Persons with Disability Affairs Office na bahagi pa rin ng pagdiriwang ng kaarawan ng Pangulong Bongbong Marcos.
Ayon kay Cong. Toby Tiangco, ang iba pang natitirang rehistradong PWDs makakatanggap ng P3,000 sa ilalim naman ng Ayuda sa Kapos ang Kita (AKAP) program habang ang iba namang mangingisda pagkakalooban din ng tulong pinansyal sa Setyembre 19 at 20.
“Hindi lang sa Metro Manila, kundi sa buong bansa, mas ramdam natin ngayon ang mga programang nakatutok sa pagbibigay ng tulong sa mahihirap tulad ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at AKAP,” pahayag ni Cong. Tiangco.