Tulfo1

Rep. Erwin Tulfo namayagpag ulit sa senatorial survey ng Tangere

89 Views

MULI na namang namayagpag at lumawak pa ang lamang ni ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo sa kanyang mga katunggali sa darating na 2025 midterm elections, ayon sa pinakahuling survey na ipinalabas ng market research firm na Tangere.

Ang 2025 Tangere Senate Survey, na isinagawa nitong Setyembre 9-13, ay nagsasabi na nakakuha si Rep. Tulfo ng 58 porsyento ng voter preference, o mas mataas sa kanyang 56.29 porsyento na nakuha sa isinagawang survey ng Tangere nitong Agosto.

Ayon sa Tangere, nakakuha ang mambabatas na score na “very high” sa lahat ng lugar sa bansa, lahat ng age groups at lahat ng socio-economic classes.

Nasa malayong ikalawang pwesto naman si dating Pres. Rodrigo Duterte na may 49 porsyento nitong Setyembre. Tumaas ang kanyang bilang mula sa 47.83 nitong nakaraang Agosto.

Nasa ikatlong pwesto naman si Sen, Pia Cayetano na may 46.5 porsyento habang si Sen. Bong Go ay pang apat na may 44.5 porsyento.

Si dating Senate Pres. Vicente “Tito” Sotto III, naman ang nasa ikalimang pwesto na may 44 porsyento.

Ang kapatid naman ni Rep. Tulfo na si Ben Tulfo ay nasa ika-anim na pwesto na may 42.96 porsyentong voter preference.

Ika-pitong pwesto si dating Sen. Manny Pacquiao na mayroong 41.63 porsyento habang si Makati Mayor Abby Binay naman ang ika-walo na mayroong 36.91 percent, na sinundan ni Interior and Local Government Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. sa ika-siyam na pwesto na may 34 porsyento.

Nasa ika-sampung pwesto naman si Sen. Lito Lapid na may 33.67 porsyentong voter preference habang si Sen. Francis Tolentino naman ay nasa ika-11 pwesto na may 32.5 porsyento.

Bigla namang lumutang ang pangalan ni Sagip Party-list Rep. Rodante Marcoleta sa magic 12 na nakakuha ng 31 percent.

Ayon sa Tangere, ang survey ay isinagawa sa pamamagitan ng mobile-based respondent application na may sample size na 2, 400 participants.

Gumamit ng stratified random na sampling o quota-based method ang Tangere na ipinakalat sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Aabot sa 12 porsyento mula sa the National Capital Region, 23 porsyento sa Northern Luzon, 22 porsyento sa Southern Luzon, 20 porsyento sa Visayas, at 23 porsyento sa Mindanao.