Shabu

Lalaki nanapak ng MMDA enforcer, tiklo sa shabu

Edd Reyes Sep 20, 2024
48 Views

TIKLO ang 49-anyos na lalaki sa dala niyang shabu nang hulihin ng mga pulis matapos sapakin ang enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagsasagawa ng clearing operation noong Miyerkules sa Pasay City.

Kitang-kita sa CCTV footage sa Advincula St. Brgy. 26 ang tatlong ulit na pananapak ng suspek na si alyas Jong kaya bumagsak ang 62-anyos na biktimang si alyas Emerson.

Nang matiklo ng mga tauhan ni Pasay City Police Chief P/Col. Samuel Pabonita, nakuhanan siya ng sachet na naglalaman ng 0.20 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,360.

Sa ulat na tinanggap ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, nasa clearing operation ang mga tauhan ni MMDA Strike Force head Gabriel Go dakong alas-4:00 ng hapon sa kanto ng Advincula at F.B Harrison St. nang itutok ng suspek ang kanyang cellphone sa mukha ni Emerson na dahilan para tabigin ito ng biktima.

Tumalsik ang cellphone ng suspek at dito na sinapak ng dalawang beses ni alyas Jong ang traffic aide na dahilan upang umawat na ang iba pang traffic enforcer.

Nang makakuha ng tiyempo, muling sinapak ng suspek ang biktima na dahilan ng pagbagsak nito sa semento.

Ayon kay Col. Pabonita, inamin ng suspek ang paggamit ng droga pero pinilit na isang beses lang niya sinapak ang biktima.

Nahaharap sa kasong indirect assault at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek sa Pasay City Prosecutor’s Office.