Guo

Guo inilipat mula Crama sa Pasig City Jail

Alfred Dalizon Sep 23, 2024
112 Views

INILIPAT na noong Lunes si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Pasig City Female Dormitory mula sa maximum-security Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame.

Inihatid si Guo, na iniimbestigahan kaugnay ng ni-raid na POGO facility na tinaguriang ‘scam farm’ sa likod ng munisipyo ng Bamban, Tarlac, ng mga heavily-armed PNP Headquarters Support Service officers.

Dumating siya sa Pasig City detention facility bandang alas-9:00 ng umaga.

Bago ang transfer, sumailalim si Guo sa standard medical examination na isinagawa ng PNP Health Service.

Ayon kay PNP spokesperson, Colonel Jean Fajardo, ibinalik na rin ng PNP Criminal Investigation and Detection Group ang warrant sa korte sa via Zoom.

Sinabi ng opisyal na bago ang kanyang paglipat, sumailalim si Guo noong Biyernes sa ECG, x-ray examination at antigen test.

“She was negative for any traces of infection last Friday but the PNP doctor who examined her said she could have developed the symptom over the weekend.

She has a slight cold and a cough when transferred,” ani Col. Fajardo.

Natukoy na may impeksyon sa kaliwang baga si Guo base sa muling pagsusuri ng PNP General Hospital.

Kahit ganito ang kalagayan, tinanggap pa rin ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) si Guo mula sa kustodiya ng PNP Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region Field Unit.

Bagama’t nakahiwalay si Guo sa isang selda sa PNP Custodial Center, sinabi ni Col. Fajardo na may pangangailangang muling suriin hindi lamang si Guo kundi pati na ang mga pulis na nagkaroon ng close contact sa kanya bilang pag-iingat laban sa mga nakakahawang sakit.

Ipinaalam din ni Col. Fajardo na ilalagay si Guo sa isang isolation room kasama ang 3-4 na babaeng inmate na kasalukuyang nagpapagaling mula sa tuberculosis.

Noong nakaraang linggo, hiniling ng mga abogado ni Guo na manatili siya sa PNP Custodial Center ngunit tinanggihan ito ng Pasig City Regional Trial Court Branch 167 at iniutos ang kanyang detensyon sa Pasig City Female Dormitory hanggang matapos ang paglilitis sa kanyang non-bailable qualified human trafficking case.

Ngunit pagdating ng tanghali, nakatanggap ang PNP ng order mula sa Pasig City RTC Branch 167 na kinikilala ang mosyon ng abogado ni Guo na humihiling na manatili siya sa PNP Custodial Center.

Itinakda ng Pasig court ang hearing ng urgent motion ni Guo sa September 27, kasabay ng pre-trial ng non-bailable trafficking case na kanyang kinakaharap.

Inihain ng kampo ni Guo ang mosyon sa kadahilanang may banta umano sa kanyang kaligtasan at seguridad.

Ipinaliwanag ni Col. Fajardo na dahil na-transfer na si Guo sa Pasig City jail, maghahain ang CIDG-NCRFU ng manifestation para ipaalam sa korte ang kanyang pagkakatalaga sa BJMP-run jail.

Kung magdesisyon ang korte na ibalik si Guo sa PNP Custodial Center matapos ang hearing, agad siyang ibabalik sa kanyang orihinal na selda.

Ngunit, ayon kay Col. Fajardo, inaasahan niyang magsusumite ang PNP ng mosyon upang tutulan ang pagbabalik ni Guo sa Camp Crame at ang patuloy niyang pananatili sa PNP Custodial Center.

“It is our desire to oppose the request of the camp of Alice Guo.

For one, there’s no existing threat against her life, I was informed that we will oppose that on the ground that there’s no credible threat on her life,” ayon kay Col. Fajardo.