Hontiveros Sen. Risa Hontiveros

Hontiveros ibinunyag ugnayan ng PNP execs, Tony Yang

42 Views

IPINAHAYAG ni Senador Risa Hontiveros ang posibilidad ng isang creeping invasion mula sa mga diumano’y sindikato sa likod ng kontrobersiyal na mga Philippine offshore gaming operator (POGO).

Ito ang inilahad ni Hontiveros habang inilalantad ang mga alegasyon na naguugnay sa ilang matataas na opisyal ng pulisya kay Tony Yang, isang pugante na hinahanap sa China dahil sa iba’t ibang krimen.

Ipinakita ni Hontiveros ang mga larawan ni Tony Yang kasama ang ilang opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa muling pagbubukas ng imbestigasyon sa kontrobersyal na POGO.

Kabilang sa mga pinangalanan ay sina dating PNP Chief Benjamin Acorda Jr., Ret. General Lawrence Coop, Coronel Lemuel Gonda at Coronel Aaron Mandia.

Kinuwestyon ni Hontiveros kung bakit nakikipagugnayan ang mga opisyal na ito kay Yang, na kilala sa kanyang pagkakasangkot sa iligal na mga gawain, kabilang ang POGO, scam money at pati na rin ang pagpeke ng kanyang Philippine birth certificate na kusa niyang inamin sa nasabing pagdinig sa Senado.

Ibinunyag ni Hontiveros na si Acorda ay dating hepe ng pulisya sa Cagayan de Oro, dahilan upang sabihin niya, “Nagtataka ako kung ano ang ginagawa ng ating matataas na opisyal na nakikipagkaibigan sa isang pugante tulad ni Yang.”

Inilahad din ng senadora na si Tony Yang, nakatatandang kapatid ni Michael Yang — dating presidential economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte — ay gumamit ng iba’t ibang pagkakakilanlan, kabilang ang pangalan na Yang Jian Xin at Antonio Maestrado Lim.

Dumating si Yang sa Pilipinas noong 1998 at nakakuha ng Filipino birth certificate sa pamamagitan ng late registration process na umano’y inayos ng kanyang lolo para sa mga pangangailangang pangnegosyo at para mas maluwag ang kanilang pagkilos sa hanapbuhay.

Si Yang, sa pamamagitan ng isang interpreter, ay umamin na ipinanganak siya sa China. Isinalaysay niya na dumating siya sa Maynila kasama ang kanyang lolo na siyang nagtatag ng negosyo ng textile.

Gayunpaman, ipininta ni Hontiveros ang isang mas madilim na larawan ng mga aktibidad ni Tony Yang, na iminungkahi na siya ang utak sa mga operasyon ng pamilya Yang, na nauugnay diumano sa iligal na POGO.

“Bagamat mas kilala si Michael Yang, si Mr. Tony Yang ang sinasabing totoong arkitekto ng operation ng mga Yang,” diin ni Hontiveros sa pagdinig.

Bukod sa kanyang pagkakasangkot sa industriya ng POGO, si Tony Yang ay konektado rin sa Sanjia Steel Corporation, isang malaking kumpanya sa industriya ng bakal sa Cagayan de Oro City.

Samantala, inamin ni Sual, Pangasinan Mayor Liseldo “Dong” Calugay na bumisita siya kay Acorda sa Camp Crame noong ito ay PNP Chief. Ipinakita sa pagdinig ang mga larawan ni Calugay kasama si Wesley Guo, kapatid ni Alice Guo, at iba pang umano’y mga kasosyo sa negosyo.

Mariing itinanggi ni Calugay ang anumang romantikong relasyon kay Alice Guo nang tanungin ni Senate President Pro Tempore Jose Jinggoy Estrada, na naglantad din na ang common-law wife ni Calugay ang nakipagnegosasyon ng ilang proyekto sa Sual, Pangasinan.

Nag-isyu ng mga subpoena para sa mga indibidwal na hindi dumalo sa pagdinig, kabilang ang dating Bamban, Tarlac Mayor Jon Feliciano, John Michael Mayrong ng Alisel Fish Farm sa Pangasinan, at JP Samson, isang malapit na kaibigan ni Alice Guo, na nagsumite ng medical certificate na nagsasabing mayroon siyang lymphedema kaya hindi nakadalo.

Nagpahayag naman ng kanyang pagkadismaya si Senador Joel Villanueva sa mga rebelasyon, na nagsasabing patuloy na pinoprotektahan ang mga POGO ng mga maimpluwensyang personalidad.

“This is exactly why we’ve been calling for the shutdown of POGOs. It’s not just about gambling — it’s about human trafficking, money laundering and corruption infiltrating our institutions. The fact that these illegal operations are being protected by some of our own law enforcers is sickening.” giit ni Villanueva.

Muling inulit ni Villanueva ang kanyang panawagan para sa pagpasa ng kanyang panukalang “Anti-POGO Act,” na naglalayong tuluyang ipagbawal ang industriya ng POGO sa Pilipinas.

“We cannot allow POGOs to continue operating under the protection of corrupt officials. This is a virus that has infected both our government and our law enforcement,” ayon kay Villanueva.

Kinuwestyon din ng mga senador kung bakit nakikipagugnayan ang mga matataas na opisyal tulad ni Acorda sa mga indibidwal na may kaugnayan sa organized crime, at nanawagan ng masusing imbestigasyon sa relasyon ng mga opisyal na ito sa mga sindikato na nagpapatakbo ng iligal na operasyon.

Itinutuon ni Estrada ang kanyang galit kay Calugay, kung saan kanyang binatikos ang pagkakasangkot ng common-law wife ni Calugay sa pagkuha ng mga proyekto sa barangay at sinabing, “Hindi na ito bago.”

Inilahad din ni Estrada na ilang lokal na opisyal ay lubog na sa korapsyon, lalo na sa mga proyektong kinasasangkutan ng mga sindikato tulad ng POGO.

Binanggit ni Estrada na ang koneksyon ng mga lokal na opisyal sa mga sindikato ay nagpapahina sa tiwala ng publiko at nanawagan ng mahigpit na pangangasiwa sa mga proyekto ng gobyerno, partikular sa mga bayan tulad ng Sual, na naiugnay sa mga kahina-hinalang transaksyon sa mga POGO operator.

Ipinahiwatig din ni Estrada na posibleng may iba pang lokal na pamahalaan na sangkot sa pagprotekta sa mga aktibidad na may kaugnayan sa POGO at sinabing maaari pang may mga mas malalim na korapsyon na matuklasan sa mga susunod na imbestigasyon.

Para naman sa dating PNP Chief at Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, inihayag ang kanyang pagkabahala sa mga alegasyon na ilang opisyal ng PNP ay inuugnay sa POGO, ngunit ipinagtanggol din ang integridad ng pulisya at hinihikayat ang publiko na huwag i-generalize ang buong PNP.

Gayunpaman, sumang-ayon din si Dela Rosa na ang mga alegasyon laban sa mga pinangalanang opisyal ay dapat na masusing imbestigahan ng internal affairs.

Iminungkahi rin ni Dela Rosa na ang mga pulis ay dapat sumailalim sa regular na lifestyle checks upang matiyak na walang mga indibidwal sa hanay ng pulisya ang maiimpluwensiya ng pera mula sa mga iligal na operasyon.

Hinimok niya ang kanyang mga kapwa senador na suportahan ang mga repormang naglalayong linisin ang hanay ng pulisya mula sa mga tiwaling elemento.

Habang nagpapatuloy ang pagdinig sa Senado, inaasahang mas maraming mga indibidwal pa ang ipapatawag, kabilang ang mga pangunahing personalidad na konektado sa pamilya Yang at mga operasyon ng POGO.

Nagkaisa ang mga senador na huwag itigil ang imbestigasyon na dapat ay wawakasan na ngayong araw bunsod ng sanga-sangang mga korapsyon, trafficking at iligal na operasyon na bunga ng mga POGO at kasabwat ang ilan sa mga opisyal ng pamahalaan na anila ay malalim na problema ng bansa.