PCSO

House Quad Comm tiniyak papanagutin nasa likod ng pagpaslang sa PCSO exec

46 Views

SINIGURO ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, overall chairman ng quad committee ng Kamara de Representantes, sa pamilya ng pinaslang na si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board secretary Wesley A. Barayuga na gagawin ng komite ang lahat upang maresolba ang kaso at mapanagot ang nasa likod ng pagpatay.

Pinasalamatan din ni Barbers, chairman ng House dangerous drugs committee, ang pamilya ni Barayuga, lalo na sa naulilang maybahay ng pinaslang sa pagtitiwala nito sa imbestigasyon ng quad comm na nakakuha ng mga bagong saksi upang maresolba ang pagpatay, apat na taon na ang nakakaraan.

“Aming ipinapangako sa pamilya ni Wesley Barayuga na gagawin namin ang lahat upang mapanagot at maparusahan ang mga taong nasa likod ng kanyang pagpaslang,” ani Barbers.

Kinondena ng pamilya Barayuga ang mga nasa likod ng pagpaslang na ginamit pa ang war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte upang matakpan ang tunay na motibo sa pagpatay.

“Sa huling apat na taon, inupuan ang kaso at pinaasa ang aming pamilya na may ginagawa sila ukol dito. At this point, it is difficult to trust and put our hopes up,” saad sa inilabas na pahayag ng pamilya Barayuga. “This (Quadcom investigation) gives us comfort even while we know that we are still far from receiving justice.”

Si Wesley ay isang abogado at miyembro ng Philippine Military Academy “Matikas” Class of 1983 at nagretiro sa ranggong police general.

Papauwi si Wesley mula sa kanyang trabaho sa PCSO-Shaw nang pagbabarilin ng naka-motorsiklo sa kanto ng Calbayog at Malinaw Streets sa Mandaluyong City noong Hulyo 30, 2020. Agad na nasawi si Wesley at tinamaan naman sa tiyan ang kanyang drayber.

Sa ika-pitong pagdinig ng quad comm noong Setyembre 27, humarap si Police Lt. Col. Santie Fuentes Mendoza, dating miyembro ng Philippine National Police (PNP) Drug Enforcement Group Special Operations Unit, at ang kanyang civilian anti-drug asset na si Nelson Mariano.

Sinabi ni Mendoza na siya ang naatasan na magplano sa pagpatay kay Barayuga at si Mariano ang pinaghanap nito ng hired killer.

Kapuwa itinuro nina Mendoza at Mariano sina dating PCSO General Manager Royina Garma at Napolcom Commissioner Edilberto Leonardo na nasa likod ng pagpaslang.

Binuo ng liderato ng Kamara sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez ang quad comm, na kauna-unahan sa kasaysayan ng Kamara, upang imbestigahan ang koneksyon ng iligal na operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO) sa bentahan ng iligal na droga at extrajudicial killings (EJK).

Ang quad comm ay binubuo ng dangerous drugs committee na pinamumunuan ni Barbers, human rights na pinamumunuan ni Manila 6th District Rep. Benny Abante, public order and safety na pinamumunuan ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez at public accounts na pinamumunuan ni Abang Lingkod Rep. Joseph Stephen Paduano.