Yedda Tingog Party-list Rep. Yedda Romualdez

Tingog partylist nangakong ipagpapatuloy tunay na serbisyo publiko

17 Views
Acidre
Tingog Party-list Rep. Jude Acidre

Sa pagdiriwang ng ika-12 anibersaryo:

SA pagdiriwang ng ika-12 anibersaryo ng Tingog Party-list, nangako ang mga kinatawan nito na sina Reps. Yedda Romualdez at Jude Acidre na ipagpapatuloy ang walang sawang paglilingkod at pagsulong ng kanilang adbokasiya, para sa ikabubuti ng mga Pilipino at ng bansa.

Nagsimula ito bilang Tingog Leytehon sa Leyte noong 2012, na lumago upang magsilbi sa buong Eastern Visayas bilang Tingog Sinirangan. Makaraan ang tagumpay na natamo noong 2019 elections, pinalawak nito ang pagseserbisyo sa buong bansa bilang Tingog Party-list.

Layunin ng Tingog na isulong ang tinig ng mga nasa laylayan at ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga mamamayan.

“As we celebrate this anniversary, we reflect on the progress we’ve made and the challenges we’ve faced. Our commitment to serving the people remains unwavering, and we look forward to continuing our work to uplift communities and empower individuals,” ani Romualdez.

Kasama sa adbokasiya ng Tingog Party-list ang pagpapalago ng kaunlarang pang-ekonomiya, katarungang panlipunan at karapatang pantao, lalo na sa karapatan ng mga kababaihan at mga bata, gayundin ang pagpapadali na makakuha ng serbisyong pangkalusugan at edukasyon.

Simula nang maitatag, ang Tingog Party-list ay nakalikha ng mahigit 500 panukalang batas, at marami sa mga ito ang naging batas.

Kabilang dito ay:

Republic Act (RA) 11510 o Institutionalizing Alternative Learning System in the Basic Education for out-of-school children and adults: Para mabigyan ng pagkakataon na makatapos ang mga indibidwal na hindi regular na nakapapasok sa eskuwelahan.

RA 11648 o Statutory Rape Amending RAs 3815 and 7610 of RPC and SPC: Nagbibigay ng mas pinaigting na proteksyon laban sa panggagahasa, sekswal na pagsasamantala at pang-aabuso, at itinaas ang edad para matukoy na statutory rape ang krimen.

RA 11934 o SIM Card Registration Act: Isang hakbang na naglalayong labanan ang mga cybercriminal.

RA 11967 o Internet Transactions Act: Pagbibigay ng proteksyon sa mga mamimili online at mga negosyanteng bahagi ng e-commerce.

RA 11983 o New Philippine Passport Act: Pagpapadali ng mga proseso para sa pagkuha at pag-renew ng mga pasaporte ng Pilipinas.

Ang mga panukalang batas na isinulong ng Tingog Party-list ay nagpapakita umano ng pagnanais nito na mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino at tiyakin na ang mga pangunahing karapatan at serbisyo ay maaabot ng lahat.

Bilang karagdagan sa mga makabuluhang tagumpay sa paglikha ng batas, ang Tingog Party-list ay aktibong tumutugon sa mga pangangailangan ng mga komunidad na biktima ng iba’t ibang sakuna.

Patuloy na nagbibigay ang Tingog ng tulong para sa mga biktima ng mga kalamidad, kabilang ang mga nagdaang bagyong Carina, Enteng at Julian, pati na rin ang mga malalaking insidente ng sunog sa Tondo, Cavite at Muntinlupa.

Nakapaglatag din ang Tingog Party-list ng matibay na ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mapabilis ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa ilalim ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).

Nakikipagtulungan din ang partido sa Department of Health (DOH) upang magbigay ng kinakailangang tulong pangkalusugan sa mga nangangailangan. Upang mapabuti ang access sa mga pangunahing serbisyo, nakipag-ugnayan ang Tingog Party-list sa iba’t ibang kinatawan ng distrito upang magtatag ng mga Tingog Centers.

Sa kasalukuyan, mayroong 140 na operational na Tingog Centers na nagbibigay ng tulong sa mga mamamayang Pilipino.

Sa pamamagitan ng pagbibigay-prayoridad sa paggawa ng batas at pagbibigay ng suporta sa mga komunidad, patuloy na pinapakita ng Tingog Party-list ang kanilang dedikasyon na mapabuti ang buhay ng mga Pilipino at tinitiyak na nakahandang tumulong sa panahon ng krisis.

Ayon kay Acidre, “This milestone is not just a celebration of our past but also a commitment to our future. We are dedicated to creating more opportunities for dialogue and collaboration among the people we serve, ensuring that every voice is heard.”

Sa pagdiriwang ng ika-12 anibersaryo ng Tingog Party-list, muli itong nangako na paglilingkuran hindi lamang ang mga taga-Leyte at Eastern Visayas, kundi ang buong bansa.

Nagpasalamat ang Tingog sa suporta na kanilang natanggap sa mga nakaraang taon at nangako na lilikha ng mga bagong inisyatiba upang maipagpatuloy ang kanilang inisyatiba at mas marami pang matulungan.