Rubio BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio

Crew ng 2 barko naaktuhan ng BoC na nagpapa-ihi

62 Views

INIREKOMENDA ng Office of the City Prosecutor ng Navotas City na sampahan ng kaso ang mga crew ng dalawang barko na naaktuhan ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) na nagpapa-ihi o nagsasalin ng smuggled na produktong petrolyo sa Navotas Fish Port.

Sa pitong pahinang Inquest Resolution na may petsang Setyembre 21, 2024, inirekomenda ng prosecutor ang pagsasampa ng kasong transporting unmarked fuel in commercial quantities laban sa mga crew ng MT Tritrust at MT Mega Ensoleilee.

Ayon sa prosecutor, mayroon itong nakitang malakas na ebidensya laban sa 23 crew ng dalawang fuel tanker kaugnay ng paglabag sa Section 265-A ng National Internal Revenue Code (NIRC), na inamyendahan ng Republic Act No. 10963, o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Pinuri ni BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang naging mabilis na aksyon ng Manila International Container Port Customs Intelligence and Investigation Service (MICP-CIIS) kaya nahuli ang krimen.

Inirekomenda ng resolusyon ang pagsasampa ng kasong laban sa 23 crew ng dalawang barko kaugnay ng kawalan ng fuel marking sa produktong petrolyo na nadiskubre ng BOC.

Sa ilalim ng Section 80 ng Republic Act No. 10963 (TRAIN law), ang mga mahuhuli na nagbebenta, nagde-deliver, namimigay, o nagdadala ng unmarked fuel ay pagmumultahin ng P2.5 milyon sa unang paglabag, P5 milyon sa ikalawa, at P10 milyon sa ikatlo gayundin ang pagbawi sa lisensya nito sa pagnenegosyo.

Nahuli ang MT Tritrust na may dalang 320,463 litro ng unmarked diesel fuel, samantalang ang MT Mega Ensoleilee ay may dalang 39,884 litro. May kabuuang halaga itong P20.35 milyon.

Sa inilabas na resolusyon ng prosekusyon, ipinag-utos din nito ang pagsasagawa ng preliminary investigation para sa kasong paglabag sa Section 1401 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) laban sa may-ari, manager, o corporate officer ng mga nahuling fuel tanker.

Mananatili umanong maigting ang kampanya ng BOC laban sa anumang uri ng smuggling kasama na ang “paihi” modus.