Carnapping

5 tauhan ng towing service puwersang hinatak sasakyan, kulong

Edd Reyes Oct 2, 2024
16 Views

KULONG ang limang tauhan ng isang towing service nang puwersahang hatakin sa bahay ng may-ari ang kanyang sasakyan Lunes ng gabi sa Las Piñas City.

Kasong paglabag sa R.A. 10883 o New Anti Carnapping Act of 2016 ang isinampa ng mga tauhan ni Las Piñas police chief P/Col. Sandro Jay Tafalla laban kina alyas “Floyd”, 26, “Napoleon”, 23, “Jefferson”, 27, “Jeric”, 27, at “Jaime”, 55, pawang mga tauhan ng isang towing service,

Sa ilalim ng inamiyendahang batas ng bagong Anti-Carnapping Act, ang mga mapapatunayang nagkasalay ay papatawan ng parusang pagkabilanggo ng mula 20 hanggang 30-taon.

Sa ulat ni Col. Tafalla kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang, alas-8:22 ng gabi nang puwersahang hatakin ng mga suspek ang Suzuki Alto ni alyas “Angelo”, 42, habang wala siya sa kanyang bahay sa Brgy. Talon Tres, gamit ang isang puting sasakyan na ni-rebuilt bilang tow truck.

Dahil dito’y humingi ng tulong ang biktima sa pulisya hanggang abutan nila ang hinahatak na sasakyan at dito na hiningi ng pulisya ang legal na dokumentong at akreditasyon na magpapatunay na may kapangyarihan silang manghatak ng sasakyan.

Nang walang maipakitang dokumento ang lima, dito na sila inaresto at dinala sa tanggapan ng Anti-Carnapping Section para sa wastong dokumentasyon sa inihaing kaso.