Dy

Tagumpay ng Kamara ibinida ni Speaker Bojie Dy

Mar Rodriguez Jun 6, 2026
26 Views

IBINIDA ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na nakamit ng liderato ng Kamara de Representantes ang tagumpay matapos na 160 panukalang batas ang naipasa ngayong 1st Regular Session ng 20th Congress.

Nanatiling nakatutok ang mga mambabatas ayon sa House Speaker, sa pagpapatupad ng mga reporma sa kabila ng mga hamong pang-ekonomiya, politikal at pangdaigdigang kinakaharap ng ating bansa.

Sinabi ni Speaker Dy na napanatili ng Kamara de Representantes ang isang malinaw na direksyon sa buong taon sa pamamagitan ng pagbibigay-prayoridad sa mga panukalang batas na naglalayong mapabuti ang pamumuhay ng mga karaniwang Pilipino.

“Hinarap ng ating bansa ang samu’t saring hamon—ang krisis sa Middle East, mataas na presyo ng bilihin, usapin sa enerhiya, trabaho, edukasyon, kalusugan, at maging ang patuloy na hamon ng pagpapanumbalik ng tiwala sa ating mga institusyon. Ngunit sa gitna ng lahat ng ito, nanatiling klaro ang direksyon ng Kapulungan ng mga Kinatawan,” wika ni Speaker Dy.

Patuloy na inuuna ng House leadership, pahayag pa ni Dy, ang kapakanan ng mamamayang Pilipino sa sentro ng kanilang paggawâ.

“Mula sa unang araw ng sesyon, iisa ang ating naging direksyon: unahin ang interes ng sambayanang Pilipino.Pinili nating magtrabaho, magkaisa, at sama-sama nating isinulong ang kapakanan ng sambayanang Pilipino—ang pangunahing layunin ng ating Kapulungan,” sabi nito.

Bilang patunay sa mabilis na pag-usad ng pagpasa ng batas sa Kamara, sinabi ni Dy na higit sa 160 panukala ang naipadala na sa Senado.

Samantala, kalahati o 26 sa 52 priority measures na inendorso ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang naaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa, habang ang iba pang mahahalagang panukala ay naghihintay ng pinal na apruba at talakayan sa bicameral conference committee.

Kabilang sa mga panukalang binanggit ng Speaker ay ang iminumungkahing National Land Use Act, Digital Payments Act, Department of Water Resources bill, ang pagpapalakas ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), mga reporma sa enerhiya at edukasyon, ang KALINGA Act, Right to Information Act, Anti-Political Dynasty Act, Anti-Fake News and Disinformation Act, at mga batas na naglalayong protektahan ang mga bata laban sa pang-aabuso at pagsasamantala sa internet.

Sinabi ni Dy na patuloy ding tinugunan ng Kamara ang mga isyung may kinalaman sa Universal Health Care, cybersecurity, mga hakbang laban sa korapsyon, mga reporma sa rice tariffication, at mga reporma sa sistemang Party List.

Binigyang-diin ng House Speaker na ang bawat panukalang batas na inaprubahan ng Kamara ay may dalang pag-asa para sa milyun-milyong Pilipinong naghahangad ng mas magandang kinabukasan.

“Sa likod ng bawat panukalang batas na naipasa ng Kamara ay maraming Pilipinong umaasang gagaan ang kanilang buhay—sa hanay mga manggagawa na bumubuhay sa kanilang mga pamilya, ang ating masisipag na magsasaka at mangingisda, ang mga walang kapagurang guro, mga negosyanteng bumubuhay sa ating ekonomiya, mga kabataan na nagbibigay sa atin ng sigla, at ating mga minamahal na senior citizens na hinahangad ang mas maayos na kinabukasan,” pahayag pa nito.