Senador Joel Villanueva

WFH tax perks ng PEZA, IPA firms protektado sa panukala ni Villanueva

41 Views

NAGHAIN si Sen. Joel Villanueva ng panukalang batas na magpapahintulot sa mga kompanyang rehistrado sa investment promotion agencies na gumamit ng work-from-home (WFH) at iba pang flexible work arrangements ng hindi nawawala ang kanilang fiscal incentives.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2148, nais ni Villanueva na tugunan ang kalituhan sa tax code na nakaaapekto sa IPA-registered enterprises na may mga empleyadong nagtatrabaho sa labas ng economic zones at freeports.

Saklaw ng panukala ang telecommuting, hybrid setups, compressed workweeks at iba pang alternative work arrangements.

Ayon kay Villanueva, ang umiiral na patakaran ay nagdudulot ng pangamba na maaaring mawala ang tax privileges ng mga kumpanyang gumagamit ng remote o hybrid work setup.

“Flexible work arrangements offer meaningful relief to workers facing rising transportation costs, long commuting hours, and increasing economic pressures.

Flexible work arrangements even benefit locators as they allow businesses to stay resilient and investment-friendly,” dagdag niya.

Sinabi ni Villanueva na nakabatay ang panukala sa Republic Act No. 11165 o Telecommuting Act, na kanyang inakda bago ang pandemya upang magkaroon ng legal framework ang telecommuting sa pribadong sektor.

Layunin ng Senate Bill No. 2148 na palawakin ang naturang framework sa fiscal incentives regime na sumasaklaw sa IPA-registered firms, na ayon kay Villanueva ay nanatiling legal gray area kahit naging karaniwan na ang remote work sa maraming industriya.

Sa ilalim ng panukala, kailangang boluntaryo at pinagkasunduan ng employer at empleyado ang alternative work arrangements alinsunod sa Telecommuting Act.

Ipinagbabawal din ng panukala ang anumang pagbabawas sa labor standards, security of tenure, sahod at benepisyo, occupational safety and health protections, data privacy, cybersecurity safeguards at iba pang karapatan sa ilalim ng Konstitusyon at Labor Code.

Maaari ring maglabas ang concerned investment promotion agencies ng guidelines para sa implementasyon, monitoring, reporting at compliance, basta hindi maapektuhan ang incentive entitlements ng mga rehistradong kumpanya.