Calendar
JCI Manila, MMDA magtutulungan sa pag-recycle ng basurang plastic
MAGTUTULUNGAN ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Junior Chamber International (JCI) Manila para sa proyektong naglalayon na gawing yaman ang mga basurang plastic.
Nagpasalamat si MMDA Chairman Atty. Don Artes sa JCI Manila sa paglulunsad ng tinaguriang Project Hiraya na magpapalakas sa pagtutulungan ng pamahalaan at sibikong organisasyon sa paglutas sa isyung may kinalaman sa kalikasan sa pamamagitan ng volunteerism at responsableng pangangasiwa ng basura.
Sa ilalim ng nilagdaang kasunduan, ang MMDA ang magrerekomenda sa mga barangay, daluyan ng tubig, mga bakanteng lote, at iba pang lugar na bibigyang prayoridad para sa paglilinis.
Ang JCI-Manila naman ang kukuha sa serbisyo ng Plastic Flamingo (PLAF) bilang recycling partner na magpo-proseso sa mga nakolektang basurang plastic para gawing mga silya at mesa na ipapamahagi sa mga pampublikong paaralan.
Sinabi ni JCI-Manila President Edison Ke na ang proyekto ay higit pa sa inisyatiba ng paglilinis kundi pangako nila ito sa sama-samang pagkilos, pamamahala sa kalikasan, at paglikha ng positibong pagbabago para sa bawat komunidad.
Sa panig ni Project Hiraya Chairman Leeroy Livias Shoko, karangalan nilang makipagtulungan sa MMDA at JIC-Manila para mai-recycle ang mga itinatapong plastic at gawing matitibay na mesa at silya.

