Calendar
Kasabwat ng killer ng welder nakorner
NAARESTO na noong Biyernes ang Grab driver na kasabwat umano sa pagpatay sa welder na binaril ng makipagkita sa buyer ng double-deck bed sa Brgy. Batasan Hills, Quezon City.
Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang naaresto na si alyas Jemar, 29, ng Brgy. 171, Caloocan City.
Ang 52-anyos na biktima ay namatay matapos pagbabarilin ng isa pang suspek na hindi mahuli noong Hunyo 3 sa kanto ng Kagawad Road at Mabini St. sa Brgy. Batasan Hills.
Sa imbestigasyon, lumitaw na may lalaking nakipag-ugnayan sa biktima tungkol sa kanyang ibinebentang double-deck bed.
Ilang oras matapos ang kanilang pag-uusap, binaril siya ng suspek at saka tumakas sakay ng motorsiklo kasama ang kasabwat.
Natunton ng mga pulis ang suspek mula San Mateo, Rizal patungong Marikina City, UP Diliman at Brgy. 171, Caloocan City.
Dakong alas-12:13 ng madaling araw naaresto si Jemar at nasamsam sa suspek ang pulang MOVE IT half-face helmet, berdeng long-sleeved shirt na may markang Grab, cream na sapatos, Honda Click motorcycle at cellphone.
Nahaharap siya sa kasong murder habang nagpapatuloy ang manhunt laban sa gunman na bumaril sa biktima at nananatiling parang ibon na malaya.
Ayon kay QCPD District Director PBGen. Randy Glenn Silvio: “Lahat ng lead ay sinusundan ng QCPD at nagpapatuloy ang mga operasyon para sa agarang pagkakadakip ng gunman at tuluyang maresolba ang kaso.”

