Chiz Escudero

SP Chiz nadismaya sa pahayag ni VP Sara

102 Views

IPINAHAYAG ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero ang pagkadismaya sa mga pahayag ni Vice President Sara Duterte laban kay President Ferdinand Marcos Jr. at sa kanyang pamilya, sinasabing hindi akma ang kanyang pagkilos bilang pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.

Ayon kay Escudero, ang matatalim na komento ni Duterte laban sa First Family at ilang personalidad ng gobyerno sa isang press conference na ipinalabas nang live sa maraming plataporma ay nagdulot ng negatibong impresyon sa kanya.

“Unbecoming ang mga ganyang uri ng pahayag lalo na sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng ating bansa,” sabi ni Escudero.

Ngunit anuman ang mga impresyon ng publiko sa mga sinabi ng Bise Presidente, sinabi ni Escudero na wala itong naging epekto sa ekonomiya at sa bansa sa kabuuan. “Kung may epekto man ito ay sa stabilidad ng opisina ng Vice President pero hindi sa pamahalaan mismo.”

Gayunpaman, umaasa si Escudero na magkakaroon ng pagkakasundo ang dalawang pinakamataas na lider ng bansa sa lalong madaling panahon.

“Sa tagal ko sa pulitika mas marami pa akong higit na mahiwaga pang napanood. May posibilidad ‘yun at ito ay mas makakabuti sa ating bansa sa aking paniniwala. Mabuti rin naman at hindi mapagpatol si number 1 sa mga patutsada ni number 2,” sabi ni Escudero.

Hininuha ng Senate President na inilalabas lamang ng Bise Presidente ang kanyang mga hinanakit ukol sa mga paratang laban sa kanya, at bagama’t nauunawaan niya ang pinagmumulan nito, sinabi niya na mas mainam sana kung mas maingat si Duterte sa kanyang mga pahayag sa isang pampublikong lugar.

“Sana maging mas maingat sa mga salitang binibitiwan. Bahagi marahil ang paglalabas ng sama ng loob sa buhay ng tao pero hindi siguro rason ‘yun at lisensya na buksan ang paggamit ng mga salita na napapakinggan ng bata man o matanda,” aniya.

Ayon kay Escudero, ang mga opisyal ng gobyerno, anuman ang kanilang posisyon, ay dapat igalang ang kanilang opisina at iwasan ang mga pampublikong pahayag na maaaring makasira sa institusyong kanilang kinakatawan.

“Tulad ng marami, nagulat at hindi ko inasahan ‘yun. Paalala lang sa ilang opisyal natin, isama na ‘yung sinabi ni (Davao City) Mayor Baste na dudurugin niya raw na parang Marawi ang Ilocos Norte kapag siya ay naging defense secretary, hindi ito salita na dapat ginagamit ng mga opisyal at hindi ito bagay na pwede idaan sa biro o isang katatawanan na kwento lamang. Para sa akin ito ay mga seryosong bagay na nakakaapekto sa buhay ng tao na hindi dinadaan sa biro, much less sinasabi sa publiko,” sabi ni Escudero.