Calendar
VP Sara kailangan ng psychological evaluation matapos nakababahalang mga pahayag — solons
POSIBLENG kailangan umano ni Vice President Sara Duterte ng psychological evaluation matapos sabihin sa isang press conference na na-imagine nito na pinuputol ang ulo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at nagbanta na huhukayin ang labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang itapon sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun na nakababahala ang mga pahayag ni Duterte lalo at isa siyang mataas na opisyal ng bansa.
“Walang matinong tao ang makakaisip, lalo’t gagawa, ng ganitong klaseng pahayag. Nakababahala ang antas ng kawalan ng katinuan sa kanyang mga salita,” ani Khonghun.
“For someone in such a high position to make violent and grotesque threats, even in jest, shows a troubling level of instability,” giit pa ni Khonghun. “Kailangang magkaroon ng masusing psychological assessment upang matiyak kung siya ay karapat-dapat pang maglingkod sa bayan sa ganitong kritikal na posisyon.”
Ganito rin ang naging pahayag ni House Assistant Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V na nagpahayag rin ng pagkabahala sa seryosong implikasyon ng mga sinabi ni Duterte.
“Ang ganitong uri ng marahas at nakakatakot na mga pahayag ay hindi katanggap-tanggap mula sa kahit sino, lalo na sa isang nakaupong Bise Presidente. Malinaw na may malalaking katanungan tungkol sa kanyang estado ng pag-iisip at emosyonal na kalagayan,” ani Ortega.
“We urge the Office of the Vice President (OVP) to consider seeking professional help for Vice President Duterte, as this behavior is deeply concerning and could have serious consequences for our nation’s leadership,” dagdag pa nito.
Sa isang press conference noong Biyernes, sinabi ni Duterte na na-imagine niya na pinupugutan si Pangulong Marcos. Ito umano ang indikasyon na toxic na ang kanilang relasyon.
Sinabi rin ni Duterte na nagpadala ito ng mensahe kay Sen. Imee Marcos sa isang group chat at sinabi na kung hindi ititigil ang mga pag-atake ay ipahuhukay nito ang labi ng dating Pangulong Marcos Sr. at itatapon ito sa WPS.
Inilabas ni Duterte ang pahayag sa isang press conference noong Biyernes matapos na usisain ng House committee on good government and public accountability ang kuwestyunable nitong paggamit ng kanyang confidential funds sa ilalim ng OVP at Department of Education.
Sa naturang pagdinig, itinanggi ng mga sundalong dumalo na may natanggap silang confidential fund mula kay Duterte para sa Youth Leadership Summits (YLS).
Ayon sa mga sundalo, ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang mga lokal na pamahalaan ang gumastos sa summit.
Ayon sa rekord ng Commission on Audit, isinumite ni Duterte ang mga sertipikasyon mula sa AFP para patunayan ang ginastos nitong P15 milyon na ipinambayad umano sa mga impormante.
Pero ayon sa mga opisyal ng AFP, ang mga sertipikasyon ay para sa pagdaraos ng YLS.
Sa halip na sagutin ang mga tanong kaugnay ng paggamit ng confidential fund sa ipinatawag na press conference, ang inihayag ni Duterte ay mga atake kay Pangulong Marcos Jr.
“The Filipino people deserve leaders who are mentally and emotionally stable, especially during challenging times,” sabi ni Ortega. “Mas makakabuti para sa bansa kung sumailalim si Vice President Duterte sa isang propesyonal na pagsusuri.”
Sinabi naman ni Khonghun na ang isyu ay hindi lamang pagkakaroon ng financial accountability.
“Higit pa ito sa usapin ng maling paggamit ng pondo ng bayan. Ang nakakaalarmang pag-uugali ng Bise Presidente ay nagpapakita ng mas malalim na problema na kailangang tugunan,” sabi ni Khonghun.
“We cannot afford to have leaders who let their emotions spiral out of control in such a public and extreme manner,” dagdag pa nito