LTO

Empleyado ng LTO buo ang suporta sa pamuhuan ng ahensiya

Jun I Legaspi Oct 22, 2024
49 Views

NAGPAHAYAG ng buong suporta ang mga empleyado ng Land Transportation Office sa pamunuan ng agency.

Sa bukas na pahayag ng mga empleyado at opisyales ng LTO, sinabi ng mga ito na buong buo ang kanilang suporta sa liderato ng ahensiya.

Ang pahayag ng mga empleyado:

“Kami, ang mga opisyal at miyembro ng Transportation District Officers Association of the Philippines (TDOAP), ay nais bigyang-linaw ang mga inilabas na open letter at pahayag patungkol sa pamunuan ng Land Transportation Office (LTO).

Mahalagang ipabatid na ang mga akusasyong ibinato ng Coalition for Good Governance, tulad ng paratang ng korapsyon at hangaring bumalik sa mga dating paraan, ay walang katotohanan, iresponsable, at hindi nararapat. Ang mga ito ay nagbibigay ng maling larawan sa mga kasalukuyang pagsisikap at direksyon ng LTO sa ilalim ng kasalukuyang pamunuan.

Malaki na ang naging pagbabago ng LTO sa pagpapabuti ng mga serbisyo at pagpapalakas ng transparency.

Bagaman may ilang limitasyon at hamon ang kasalukuyang sistemang ginagamit ng LTO, ang LTMS, kasama na rito ang mga isyung kontraktwal at legal, ang pamunuan ng LTO ay aktibong tinutugunan ang mga ito. Buo ang aming dedikasyon sa pagpapatupad ng mga patakaran na nagtitiyak ng integridad at pananagutan sa ahensya.

Kasalukuyang gumagamit ang LTO ng parallel IT systems dahil sa kakulangan ng LTMS sa pang-araw-araw na operasyon. Kung ang LTMS lamang ay ganap na nakatugon sa mga limitasyon nito, hindi sana kinakailangang gumamit ng dalawang IT system, na nagdudulot ng pasanin sa aming pang-araw-araw na gawain.

Naniniwala kami na ang kultura ng reporma at pagiging transparent ay dapat suportahan, at hindi pinahihina ng mga hindi napapatunayang akusasyon. Mahalagang magtulungan at makipag-ugnayan ang lahat ng stakeholders sa LTO upang matiyak na magpapatuloy ang mga ipinapatupad na pagbabago para sa mas epektibo at tapat na serbisyo sa publiko.

Hinihimok namin ang lahat na kilalanin ang mga nagawang hakbang at makipagtulungan para sa tunay na reporma sa LTO, sa halip na magmungkahi ng mga pagbabago na maaaring makasama, batay lamang sa mga paratang na walang sapat na basehan.”