Muking Irmina “Muking” Espino

Pagharap ng dating opisyal ng palasyo na si ‘Muking’ sa House quad comm iginiit

39 Views

IGINIIT ng quad committee ng Kamara de Representantes na dapat humarap sa paparating na pagdinig nito ang dating opisyal na Malacañang na si Irmina “Muking” Espino, na iniuugnay sa reward system sa ipinatupad na war on drugs ng administrasyong Duterte.

Ito ay matapos na dumalo si Espino sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon sub-committee kung saan itinanggi niya ang umano’y pag-iral ng cash reward scheme sa anti-drug campaign ng administrasyong Duterte, taliwas sa naging pahayag ni retired P/Col. Royina Garma sa pagdinig ng quad comm.

Nagbabala rin si quad comm co-chair Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez kay Espino na maaari siyang ma-contempt at ipaaresto kung muling hindi sisipot sa pagdinig ng panel na itinakda sa Nobyembre 6.

“Most likely darating ‘yan kasi alam niya may procedure [ang quad comm]—una ay invitation, tapos show cause order, and then afterwards isa-cite in contempt,” ayon kay Fernandez sa ginanap na press briefing noong Martes.

Si Espino ay tinukoy ni Garma, dati ring general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), na staff ni Sen. Christopher “Bong” Go sa Davao City government at sinasabing nangasiwa sa reward money para sa mga pulis na nakakapatay ng drug suspek.

Nauna rito ay naglabas ng show cause order ang quad comm laban kay Espino at limang iba pa matapos na hindi dumalo sa pagdinig.

Inatasan din ng joint panel si Espino na ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat i-cite in contempt kaugnay ng hindi pagdalo sa pagdinig noong Oktubre 22, sa kabila ng naunang imbitasyon.

Sa ulat, si Espino ay nagtrabaho sa tanggapan ni Go sa Davao City Hall noong si Duterte pa ang alkalde. Nang maging Special Assistant to the President si Go, siya ay pumasok sa Malacañang bilang assistant secretary. Nagsilbi rin siya bilang undersecretary hanggang sa matapos ang termino ni Duterte noong 2022.

Noong Lunes, lumutang si Espino at dumalo sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa drug war ng administrasyon ni Duterte.

Sa pagdinig, itinanggi niya ang mga akusasyon na siya ay isang “disbursing officer” sa financial operation na konektado sa drug war, at iginiit na ang kanyang papel ay limitado lamang sa pagbibigay ng mga kagamitan sa opisina, kagamitan at gasolina sa mga precinct commanders sa buong Davao City.

Sa testimonya ni Garma, kinumpirma nito ang suspetsa na ang drug war ng administrasyong Duterte ay mayroong reward system na humimok sa mga pulis na pumatay ng mga indibidwal na pinaghihinalaan pa lamang na sangkot sa bentahan ng ipinagbabawal na gamot.

Inilahad din ng dating hepe ng PCSO ang detalyadong larawan ng operasyon na nakabatay sa pabuya na nagpapatindi sa kampanya laban sa droga, na iniuugnay sa libo-libong extrajudicial killings at malawakang paglabag sa karapatang pantao sa buong bansa sa panahon ng administrasyong Duterte.

Ipinakita niya sa quad comm ang pagsisimula at pagpapatupad ng kampanya, na isiniwalat na ito ay ipinatupad sa ilalim ng direktang utos ni Duterte, kasama ang kanyang pinagkakatiwalaang aide na si Go at si retiradong Police Col. Edilberto Leonardo, bilang mga sinasabing pangunahing nangangasiwa.

Sinabi pa ni Garma na ang malawakang kampanya ay katulad ng modelo na ipinatupad sa Davao City, sa panahong si Duterte ang nanunungkulan bilang alkalde.

Binanggit pa niya na ang mga opisyal ay nakatatanggap lamang ng financial compensation kung napatay ang mga suspek, habang ang mga pag-aresto, kahit bahagi ng operasyon, ay walang katumbas na gantimpalang pera.

Ayon pa kay Garma, ang cash reward para sa drug-related killings ay nasa pagitan ng P20,000 hanggang P1 milyon, depende sa target.

Sa mga naunang kampanya, sinabi ni Garma na pagkatapos ng pagkahalal kay Duterte bilang pangulo noong Mayo 2016, agad nitong hiniling sa kanya na humanap ng pulis na kayang ipatupad ang drug war sa buong bansa.

Inirekomenda niya ang kanyang upperclassman na si Leonardo, na noon ay pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng PNP sa Rehiyon 11, at naging pangunahing tagapamahala sa kampanya.

Pagkatapos tanggapin ang tungkulin, bumuo aniya si Leonardo ng isang task force ng mga operatiba na inatasang mangolekta ng impormasyon tungkol sa mga suspek sa droga, beripikahin ang mga detalye, at pamahalaan ang mga operasyon ng pulis.

Ayon kay Garma, nagbuo si Leonardo ng isang sistema na nagbigay ng mga gantimpala para sa mga pagpatay, kung saan lahat ng ulat at desisyon ay dumadaan sa kanya.

Mahalagang bahagi rin sa testimony ani Garma ang pagbanggit sa isang nagngangalang “Muking” na diumano’y namahala sa mga financial operation. Kalaunan ay napag-alaman na ang tinutukoy ni Garma ay si Espino.

Sinabi ni Garma na matapos niyang irekomenda si Leonardo, nakipag-ugnayan si Espino sa kanya upang humingi ng mga detalye ng contact nito, na kanyang ibinigay.

Sa paglipas ng panahon, naging mahalagang bahagi si Espino sa daloy ng pondo.

Natanggap ni Garma mula kay Peter Parungo, isang “striker” sa opisina ni Leonardo, na ang malalaking halaga na pumapasok sa kanyang mga bank account ay konektado sa mga utos mula kay Espino.

Dinetalye rin ni Garma kung paano prinoseso ang mga transaksyon sa pondo para sa mga pabuya sa pamamagitan ng mga account ni Parungo, na bagama’t hindi miyembro ng CIDG ay nagsilbing financial trustee ng task force, na nangangasiwa sa pamamahala ng pondo.