Bro. Marianito Agustin

Huwag tayong manghinawa sa paggawa ng kabutihan dahil lamang may mga taong masasama (Mateo 13:24-30)

59 Views

“Nang tumubo at magbunga ang trigo. Lumitaw din ang mapanirang damo. Kaya’t pumunta ang mga utusan sa may-ari ng bukid at nagtanong. “Hindi po ba mabubuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?” Sumagot siya, isang kaaway ang may kagagawan nito”. (Mateo 13:24-28)

MARAMI sa atin ang labis na naliligalig kung bakit tila mas marami ang mga taong gumagawa ng masama kaysa sa mga taong gumagawa ng kabutihan. Para bang ang namamayagpag ngayon sa ibabaw ng mundo ay ang mga taong maiitim ang buto o mga taong masamang damo.

Marahil ay maaaring tama at tumpak ang ganitong pananaw sapagkat sa Social Media na lamang ay matutunghayan na mismo natin kung gaano karami ang mga taong gumagawa ng samu’t-saring kabuktutan, panlilinlang o pang-iiscam sa pamamagitan ng mga pambu-budol.

Mistulang hindi sila nakokonsensiya sa mga taong nagtitiwala sa kanila at pagkatapos ay lolokohin lamang pala nila. Nagkaka-pera sila sa mali at hindi makataong pamamaraan. Para bang wala sa bokabularyo ng mga taong ito ang salitang awa. Kaya ang iba sa atin ay masyado ng dismayado sa kasalukuyang takbo ng ating mundo dahil sa mga taong naghahasik ng kasamaan, habang hindi daw nila masyadong nararamdaman ang pag-iral ng kabutihan.

Ganito ang tema ng Mabuting Balita (Mateo 13:24-30) patungkol sa Talinghaga sa mga Damo sa Triguhan na isinalaysay ni Hesus upang maunawaan natin na dito sa ibabaw ng mundo ay may mga taong mabubuti na inilarawan sa mabuting binhi at mayroon din naman mga taong gumagawa ng kasamaan na naglalarawan sa mga damo na ayon sa Pagbasa ay inihasik mismo ng diyablo (Mateo 13:39)

“Ang kaaway na naghasik ng damo ay walang iba kundi ang diyablo”. (Mateo 13:37-39)

Gaya ng ating binanggit kanina, minsan. May mga taong masyadong dismayado bunsod ng tila pangingibabaw o pamamayagpag ng kasamaan, samantalang mabibilang na lamang umano sa daliri ang mga taong gumagawa ng kabutihan. Ang tawag pa nga ng ilan sa kanila ay “endangered species” sapagkat malapit na daw silang maubos. Wala po itong katotohanan. Mas marami parin ang mabubuting tao kaysa sa mga masasama.

Hindi natin nakikita ang kabutihan sapagkat mas binibigyan natin ng pansin ang kasamaan na para bang ito ang mas kailangang pag-ukulan ng atensiyon (para bang big deal). Samantalang kapag may nangyayaring kabutihan ay hindi natin masyadong pinapansin, ang iba pa nga ay dedama lang. Hindi ba natin na naisip na maaaring ito ay pakana lamang ng “kaaway” (diyablo) upang tayo’y panghinaan ng loob, pahinain ang ating pananampalataya sa Diyos at bulagin ang ating mga mata sa mga kabutihang ginagawa ng ating kapwa at ang makita lamang natin ay puro kasamaan lang na ang demonyo rin ang may kagagawan?

Talagang sinasadya ng diyablo na ang mapansin natin ay ang puro kasamaan para kuwestiyonin natin kung talaga bang may Diyos. Ginagawa niya iyan upang magkaroon tayo ng pagdududa sa Panginoon. Mentras natin pinapansin ang kasamaan lalong nagtatagumpay ang “kalaban” sa paghahasik niya ng masasamang damo.

Alam niyo ba kung saan nanggagaling ang problema? Sa atin. Tayo ang may problema, sapagkat unti-unti tayong nilalamon ng pagkadismaya, kawalan ng pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos dahil mas nakikita o napapansin pa natin ang pag-iral ng kasamaan kaysa mga mga taong nananatili parin sa panig ng kabutihan.

Hindi lang naman ngayon umiral ang kasamaan sa mundo. Kahit noong simulang likhain ng Panginoong Diyos ang ating mundo ay nagsimula narin ang unang kasamaan sa ibabaw ng lupa sa pamamagitan ng diyablo na naglarawan sa isang ahas sa Lumang Tipan. (Genesis)

Ito ang mababasa natin sa kuwento ng Genesis (Gen. 3;1-13) nang linlangin ng ahas si Eba para kainin nito ang bungangkahoy sa halamanan na mahigpit na ipinagbabawal ni Yahweh. Dito rin nag-umpisa ang unang pambu-budol, hindi nga lamang nag-viral kasi wala pang FaceBook noong araw. Kundi, nag-viral sana si Eba at baka kaliwa’t-kanan ang kaniyang mga “bashers”.

DIVINE JUSTICE:

Magkagayunman, umiral man ang sandamakmak na kasamaan dito sa ibabaw ng mundo. Tandaan lamang natin na walang utang na hindi pinagbabayaran dahil ang lahat ng kabuktutang ginawa ng tao ay tiyak na may katapat na kaparusahan. Hindi man dito sa lupa kundi duon sa Kaharian ng Panginoon.

Hindi “lifetime” ang ating pananatili dito sa lupa sapagkat darating ang araw na lilisanin natin ang mundong ito upang humarap sa ating Panginoong Diyos. Ito ang tinatawag na pangalawang buhay o buhay na walang hanggan. Kaya makaligtas man ang mga masasamang tao o masasamang damo ayon sa ating Pagbasa hinding-hindi naman sila makakaligtas sa paglilitis ng Diyos pagdating ng araw. Duon nila pagbabayaran ang lahat ng masasamang ginawa nila dito sa lupa. (Mateo 13:29-30)

Hinahayaan lamang ng Diyos ang mga masasama. Hindi dahil sa ito’y kaniyang kinukunsinti. Kundi binibigyan lamang sila ng pagkakataon ng Panginoon upang magbago, magbagong buhay o magbalik loob. Subalit kung talagang matitigas ang kanilang mga bungo at talagang hanggang sa kahuli-hulihang sandali ng kanilang buhay ay ayaw talaga nilang magbago. Sorry na lang sila dahil isa lamang ang kalalagyan nila. Hahatulan sila ni Lord kung saan sila nararapat. Duon sa lugar na tatangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin.

“Ihahagis nila ang mga ito sa lumalagablab na pugon at doon ay mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin. (Mateo 13:42)

ANG ARAL NG EBANGHELYO:

Huwag tayong panghinaan ng loob at manghinawa sa paggawa ng kabutihan dahil lamang mas nakikita at napapansin natin na malayang nakakagawa ng kasamaan ang ibang tao na hindi man lamang napaparusahan at ang iba pa nga ay tila umuunlad pa ang buhay dahil sa mga perang nakukuha o nakukurakot nila mula sa panloloko at pang-iiscam ng kanilang kapwa. Dahil ba dito’y ihihinto na natin ang ating kabutihan?

Tandaan natin ang aral at mensahe na ibinibigay sa atin ng Ebanghelyo na ang lahat ng kasamaang ginagawa ng tao ay hindi kailanman magtatagumpay pagdating ng panahon. Magtagumpay man sila ngayon dito sa ibabaw ng mundo. Sa kawakasan ng kanilang buhay ay tiyak na sila’y mabibigo. Pagbabayaran nila ang lahat-lahat ng kawalang-hiyaang pinaggagawa nila sa kanilang kapwa tao, maliit man o malaki ang kanilang ginawang panloloko. Ang sabi nga: “lintek lang ang walang ganti”. “Isang bala ka lang” (FPJ ikaw ba iyan?)

Huwag natin kalilimutan na ang gawaing masama ay mayroong kaakibat na kaparusahan. Kapag gumawa ka ng masama, asahan mo na mayroon iyang katapat na parusa o resulta ng masamang gawain mo. Hindi man ikaw ang personal na magbayad. Ang masakit, baka ang sarili mong pamilya ang magbayad ng ginawa mong kawalang-hiyaan.

Subalit kung gumagawa ka naman ng kabutihan. Ikaw ay pagpapalain ng Diyos.

Huwag tayong tumigil sa paggawa ng kabutihan dahil ang kabutihang ginagawa natin ang magsisilbing liwanag para sa mga masasama upang sila ay maliwanagan ng isip at magbagong buhay. Magsilbi nawa tayong giya at gabay para sa kanila para akayain natin sila sa tamang landas patungo sa ating Diyos.

Ipanalangin natin ang mga masasamang tao at hilingin sa Panginoong Diyos para bigyan pa niya tayo ng kalakasan para magpatuloy sa ating kabutihang loob. Maaaring mangungusap sa atin ang Panginoon sa ating pananalangin at ibubulong sa atin ang mga katagang: “Keep it up. You’re on the right path”.

Sapagkat ang mga masasamang damo ay tiyak na may kalalagyan. Habang ang mga mabubuting binhi ay tiyak na may patutunguhan.

AMEN