Martin

Speaker Romualdez pinangunahan pagsulong ng panukala para sa pagpapaliban ng BARMM polls

Mar Rodriguez Nov 6, 2024
14 Views

PINANGUNAHAN ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga miyembro ng Kamara de Representantes sa pagsasampa ng panukalang batas na naglalayong ipagpaliban ang unang eleksyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nakatakda sa Mayo 12, 2025 at ilipat ito sa Mayo 11, 2026.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang House Bill (HB) No. 11034 ay nagpapakita ng sama-samang layunin na matiyak ang isang maayos at epektibong transisyon para sa mga mamamayan ng Bangsamoro. Ang panukalang ito ay tugon sa kahilingan ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) kaugnay ng mga pagbabago sa rehiyon.

Una na ring naghain si Senate President Francis “Chiz” Escudero ng kaparehong panukala sa Senado, na nagbibigay-diin sa pagkakaisa at mahalagang pangangailangan ng dalawang kapulungan ng Kongreso para sa naturang usapin.

Ang BTA, na siyang namahala sa rehiyon mula nang ito ay itatag, ay pormal na humiling na mapalawig ang transition period. Ayon sa kanila, may mga mahahalagang tungkuling kailangang tapusin upang matiyak ang matagumpay na transisyon patungo sa isang democratically elected regional government.

Noong Oktubre, ipinasa ng BTA ang Resolution No. 641, na humihiling na palawigin ang transition period hanggang 2028.

Ang karagdagang panahon na ito ay magbibigay pagkakataon sa BTA na maisakatuparan ang kanilang tungkulin na maglatag ng mga pangunahing saligan para sa sariling pamamahala sa Bangsamoro. Kabilang dito ang pagpasa ng mga mahahalagang batas, pagtatayo ng mga institusyon, at pagbuo ng mga sistemang kinakailangan upang suportahan ang pamahalaan ng BARMM sa hinaharap.

Ipinunto ni Speaker Romualdez na ang kahilingan ng BTA ay sumasalamin sa tunay na pangangailangan ng karagdagang panahon upang maresolba ang mga mahahalagang isyu sa pamamahala, halalan, at administrasyon

Dahil sa kumplikadong kasaysayan ng rehiyon at ang mga hamon sa pagtatatag ng isang bagong kasarinlan sa pamamahala, binigyang-diin ni Speaker Romualdez na ang panukalang pagpapaliban ay naaayon sa layunin ng BTA na matiyak ang katatagan at kahandaan para sa unang halalan ng BARMM. Ipinapakita rin nito ang kanilang pagsisikap na maisakatuparan ang isang mapayapa, inklusibo, at matatag na Bangsamoro.

Bilang karagdagan sa mga hamong ito, ang kamakailang desisyon ng Korte Suprema na nagdeklara na hindi bahagi ang Sulu sa BARMM na lalong nagpalubha sa mga paghahanda para sa halalan ng 2025.

Ang pagkakatanggal ng Sulu ay nagdulot ng legal vacuum sa komposisyon ng BARMM Parliament, lalo na sa aspeto ng paglalaan ng mga kinatawan sa parliamentary district.

Itinatakda ng Bangsamoro Organic Law (BOL) ang balanseng representasyon ng mga partidong politikal, mga distrito, at mga sektor.

Sa pagtanggal ng Sulu mula sa hurisdiksyon ng BARMM, kailangan ng muling pagsasaayos sa alokasyon ng mga kinatawan sa parliyamento. Ang prosesong ito ay nangangailangan ng sapat na panahon at masusing pagbabago sa batas upang wastong maipakita ang bagong istruktura ng rehiyon.

Nangangamba ang BTA na ang pagsasagawa ng halalan sa 2025 nang hindi tinutugunan ang mga isyung ito ay maaaring magdulot ng malaking kakulangan sa operasyon at representasyon, na posibleng makasagabal sa epektibong pamamahala at katatagan ng BARMM.

Binanggit ni Speaker Romualdez na sa pagsuporta sa panawagan ng BTA para sa pinalawig na transition period, ang mungkahing pagpapaliban ay naglalayong bigyan ng panahon ang BARMM Parliament na ayusin ang komposisyon nito at pahintulutan ang BTA na magpatupad ng mas maayos na transition, nang walang abala mula sa mga hindi pa nareresolbang isyung legal at administratibo.

Sinabi pa ni Speaker Romualdez na ang pagpapalawig ay nagtataguyod sa pag-unlad ng BARMM tungo sa isang mas matatag at maayos na pamahalaan

“This postponement is not a delay in progress, but rather a necessary step to ensure that the foundations we are building for BARMM are solid and capable of supporting a sustainable autonomous government,” ayon sa pinuno ng Kamara.

Ang isang taong pagpapaliban ay magbibigay din ng pagkakataon sa BTA na makipagtulungan sa iba’t ibang sektor sa rehiyon upang matutukan ang kahandaan sa halalan at voter’s education, na magtitiyak na ang mga mamamayang Bangsamoro ay ganap na handa na makilahok sa isang demokratikong proseso na tunay na sumasalamin sa kanilang kagustuhan.

Ayon sa panukalang batas, ang Pangulo ay magtatalaga ng 80 bagong interim members ng BTA, na magsisilbi hanggang sa ang kanilang mga kahalili ay mahalal at makapagsimula sa kanilang tungkulin.

Sinasabi rin panukala na ang termino ng mga kasalukuyang miyembro ng BTA ay ituturing na natapos na.

Ang panukalang batas ay magiging epektibo 15 araw matapos itong mailathala sa Official Gazette o sa kahit isang pahayagan na may malawak na sirkulasyon.

Ilan pa sa mga co-author ng panukalang batas ay kinabibilangan nina Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio Gonzales Jr., Majority Leader Manuel Jose Dalipe, Senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos, Deputy Speaker Yasser Alonto Balindong, mga Kinatawan Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, Bai Dimple Mastura ng Maguindanao del Norte, Munir Arbison Jr. ng Sulu, at sina Yedda K. Romualdez at Jude Acidre ng Tingog Party-list.

Sa kanilang panukalang batas, binigyang-diin ni Speaker Romualdez at ng kanyang mga co-author ang mahalagang tungkulin ng BARMM sa pagsusulong ng kapayapaan at kaunlarang pang-ekonomiya sa Mindanao.

Ayon sa kanila, ang pagpapalawig ng transition period ay hindi lamang isang pagkaantala, kundi isang pagpapakita ng pangako na igalang ang mga hangarin ng mga mamamayang Bangsamoro, at tiyakin na ang makasaysayang unang halalan ay maisasagawa nang may patas na representasyon, katatagan, at kahandaan sa pamamahala.

“This legislation responds to the unique context of the Bangsamoro, allowing the region to uphold its autonomy while also adhering to the highest standards of governance within the Philippines,” ani Speaker Romualdez.

“This law is a testament to Congress’ dedication to the success of the BARMM, providing leaders with the time they need to complete this transition thoughtfully, inclusively, and with resilience for future generations,” dagdag pa ng mambabatas.