Grab Source: File FB photo

Agawan sa parking space nauwi sa pagkamatay ng Grab driver

11 Views

NAG-UGAT umano sa agawan sa parking space ang nangyaring pamamaril sa isang grab driver na ikinasawi nito Martes ng hapon sa Quezon City.

Idineklarang dead on arrival sa East Avenue Medical Center ang biktima na si Patrick Palapag Diosana, 36, ng Barangay Culiat, Quezon City.

Patuloy na pinaghahanap ang nakaalitan umano ng biktima na isang tricycle driver.

Sa pagsisiyasat ni PSSg Nido B Gevero, Jr. ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nangyari ang pamamaril dakong alas 5 ng hapon Union Drive Extension, Brgy. Culiat, Quezon City.

Sa pahayag ng saksi, nakita niyang ipinarada ng biktima ang kotse sa Union Drive Extension nang biglang dumating ang suspek.

Dito na binaril umano ng suspek ang biktima at saka mabilis na tumakas patungong New Era TODA dala ang ginamit na baril.

Lumilitaw din sa imbestigasyon na ilang araw bago mangyari ang pamamaril ay may alitan na ang dalawa tungkol sa parking space sa Union Drive Extension.

Nakarekober naman ang SOCO Team ng QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni PCpt. Eric Angay-Angay ng dalawang basyo ng bala ng baril sa crime scene.

Base ssa cursory examination nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril sa katawan ang biktima.