Calendar
2 suspek sa pagnenok ng kable ng PLDT timbog, 2 nakatakas
DALAWANG lalaki ang naaresto at dalawang kasabwat ang nakatakas sa aktong pinuputol ang mga kable ng PLDT sa Kamias Road at Kalayaan Avenue, Brgy. Malaya, Quezon City noong Oktubre 30.
Kinilala ang mga naaresto sa alyas Miguel, 39, ng Barangay UP Campus, at Shawn, 24, taga-Brgy. Krus na Ligas.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) acting director P/BGen. Christopher Olazo, dakong alas-2:40 ng madaling-araw nang maaktuhan ng security guard ng PLDT ang mga suspek na pinuputol ang mga kable ng telepono mula sa PLDT cabinet.
Nang lapitan ng guwardiya, tumakas ang apat na suspek sa magkakaibang direksyon sakay ng dalawang motorsiklo.
Narinig ng mga tauhan ng Anonas Police Station 9 ang paghingi ng tulong ng guwardiya kaya hinabol ang mga suspek.
Dalawa ang naaresto habang nakatakas ang dalawa.
Nasamsam sa mga naaresto ang humigit-kumulang tatlong metrong copper cable na nagkakahalaga ng P31,146.13, cutter at motorsiklong Keeway na walang plaka.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 10515 (Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013) at RA 11235 (Motorcycle Crime Prevention Act).

