Calendar
FL Liza Marcos, Mayor Aguilar inilunsad Agri Tayo, Lab for All sa Las Pinas
PINANGUNAHAN nina First Lady Liza Araneta-Marcos at Las Piñas City Mayor April Aguilar ang paglulunsad ng Agri Tayo, Lab for All na bahagi ng isinusulong na makabagong agrikultura sa mga paaralan.
Tampok sa programa ang paglulunsad ng hydroponics greenhouse system na sa halip na lupa, tubig na mayaman sa bitamina at mineral ang gamit upang makapagtanim ng mga gulay. May kapasidad itong magpatubo ng hanggang 480 halaman at naglalayong ipakilala sa mga mag-aaral ang makabagong teknolohiya sa pagsasaka
Dumalo rin sa programang ginanap sa Las Piñas National High School sina Vice Mayor Mel Aguilar, Congressman Mark Anthony Santos, Education Secretary Sonny Angara, PRA Chairman Lopez, Dr. August Michael Basangan, OIC ng Las Piñas City Agriculture Office, gayundin ang iba pang pinuno ng mga tanggapan ng lungsod at mga opisyal ng Barangay Daniel Fajardo.
Binigyang-diin ni Mayor April ang kahalagahan ng paggamit ng mga bagong teknolohiya upang mapalawak ang oportunidad sa pagkatuto ng mga kabataan at maisulong ang mas episyenteng paggamit ng limitadong espasyo at likas na yaman sa lungsod.
Sa kanyang mensahe, inihayag naman ni Philippine Reclamation Authority (PRA) Chairman Atty. Alexander Lopez ang planong maglagay ng hydroponics greenhouse sa lahat ng paaralan sa Las Piñas.
Kasabay ng paglulunsad, namahagi rin ng 2,500 na bag mula kay First Lady para sa mga kalahok sa programa at nagkaroon din ng Learners’ Corner sa ilalim ng Gender and Development (GAD) program ng lungsod, habang libreng taho, pandesal at ice cream ang inihandog sa mga dumalo.
