Ex-Customs intelligence officer Jimmy Guban Ex-Customs intelligence officer Jimmy Guban

Guban: Davao Mafia na nasa likod ‘Save the Queen’ upang maging presidente

12 Views

ITINURO ni dating Customs intelligence officer na si Jimmy Guban ang “Davao Mafia” na siyang nasa likod umano ng pagpapabagsak sa kanya at kanyang mga kasamahan at sa pagtutulak ng “Save the Queen” upang maging presidente ito.

Sa pagdinig ng House Quad Committee noong Huwebes, emosyonal na ibinahagi ni Guban kung paano nasira ang kanyang reputasyon at karera sa gobyerno dahil sa Davao mafia.

Ayon kay Guban, hindi niya mapigil ang kanyang emosyon—na magkahalong galit at tuwa—dahil sa kabila ng mga pangyayari, buhay pa rin siya at si dating Police Col. Eduardo Acierto, na biktima rin umano ng “Davao Mafia.”

“Pasalamat po kami sa Diyos dahil pareho kaming buhay. Si [former Philippine Drug Enforcement Agency deputy director general] Col. [Ismael] Fajardo po namatay. Si Captain [Lito] Perote, si agent Ernan Abario na kasama ko sa Customs, patay. Dalawa rin ang namatay sa akin. Sa kanya ilan ang namatay dahil po diyan sa Davao Mafia and their purpose [is] to save the queen in order to become the next President,” ayon kay Guban.

Hindi na nagbigay ng dagdag na detalye si Guban tungkol sa “Davao Mafia,” ngunit dati na niyang idinawit ang mga kaanak at kaalyado ni dating Pangulong Duterte sa isang malaking operasyon ng pagpupuslit ng droga.

Nauna nang inihayag ang mga umanoy sangkot sa mga malalaking magnetic lifters kung saan itinago ang daan-daang kilo ng shabu sa ipinasok sa bansa noong 2018.

Nag-umpisa ang kontrobersya nang dumating sa Maynila mula Vietnam ang mga steel-plated lifters, kung saan nakumpiska ng mga awtoridad ang dalawang lifter na naglalaman ng 355 kilo ng shabu, habang nawawala ang apat pang lifter na naglalaman ng humigit-kumulang 1.68 tonelada ng droga, na may halagang P11 bilyon. Ang malalaking kargamento ng shabu ay nagdulot ng pagbagsak ng presyo ng droga sa kalye.

Noong 2018, tumestigo si Guban sa Senado laban kay Acierto, ngunit ngayon, sa kanyang pagharap sa House Quad Committee, sinabi niyang nakatanggap siya ng mga pagbabanta sa buhay para idiin noon si Acierto.

Si Guban ay nahatulan kaugnay ng kontrobersyal na pag-aangkat ng droga, habang ang kanyang kasamang akusado na si Acierto ay nagtago simula noong 2019.

Sa pagdinig noong Huwebes, hindi napigilan ni Guban ang kanyang emosyon nang makita si Acierto, na tumestigo rin sa pamamagitan ng videoconference.

Tinanong ni Quad Committee co-chair Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez si Guban tungkol sa ipinakitang emosyon, kung ang mga luha ba niya ay sanhi ng pagkakanulo kay Acierto.

“Hindi po dahil sa pinagkanulo, kundi dahil sa sindikato, sa mafia ng Davao, Davao mafia, na kami ang biktima,” sagot ni Guban.

Sa kabila ng pagpipigil ng emosyon, nagpasalamat si Guban sa komite sa pagbibigay ng pagkakataon upang tumestigo at pinayagan siyang ipakilala sa publiko si Acierto, ang kanyang kaibigan at kapwa survivor, na ayon sa kanya ay kasama niyang nakipaglaban sa mga maimpluwensyang mga tao o grupo, at inilagay ang kanilang mga buhay sa panganib para magsalita at lumaban para sa katotohanan.

“We did our very best para po kami makagawa ng tulong sa bayan pero ang sinapit namin, siya (Acierto) may patong sa ulo. Ako buti nalang may Diyos hanggang ngayon nasa National Bilibid Prison,” ayon kay Guban.