Kritikal na papel ng NFA pinag-aaralang ibalik

Cory Martinez Jun 22, 2025
330 Views

PINAG-aaralan ng Department of Agriculture (DA) kung pwedeng ibalik sa National Food Authority (NFA) ang mga kritikal na papel nito, lalung-lalo na sa pagpapatatag ng suplay ng bigas at presyo nito.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., naaayon ang draft legislation sa vision ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maging food-secure ang Pilipinas at makabili ng mas murang pagkain, lalo na ng bigas, ang mga Pilipino.

Sinabi ni Tiu Laurel na sumasalamin ang panukalang batas sa strategic recalibration ng polisiya ng gobyerno at magpapalakas sa papel ng DA sa pangangalaga sa food security at pagbuhay sa kapasidad ng NFA na umaksyon sa panahon ng pabago-bagong presyo at supply disruption.

“This is one of several measures House Speaker Ferdinand Martin Romualdez asked the DA to craft to help the government advance its food security agenda, particularly the program of President Marcos to sustain P20-per-kilo rice for vulnerable sectors through 2028,” ani Tiu Laurel.

Layunin din ng panukalang batas na amyendahan ang pangunahing probisyon ng Rice Tariffication Law.

Kabilang sa provisions ang regulatory power sa NFA para sa mas maayos na pamamahala ng buffer stocks, ma-regulate ang rice distribution at marketing nito, itakda ang floor price para sa palay at masuportahan ang mga farmers’ cooperatives at recipients ng Rice Processing Systems na pinopondohan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund.

Mas mahalaga din dito ang pagbibigay ng malawak na kakayahang umangkop ang NFA sa pamamahala ng tamang lebel ng buffer stock at matitiyak ang palagiang mataas na kalidad ng mga bigas.

“These changes will significantly address market inefficiencies and promote fairness, especially for farmers who work the land for months but remain the most disadvantaged,” ani NFA Administrator Larry Lacson.

“For the NFA, this means becoming more efficient, more responsive and financially stronger,” dagdag pa niya.