Madrona

Madrona pinapurihan si Frasco bilang top-performing official ng Marcos administration

Mar Rodriguez Nov 12, 2024
37 Views

BILANG chairman ng House Committee on Tourism nagpaabot ng isang taos pusong pagbati si Romblon Lone Dist. Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona para kay Department of Tourism (DOT) Sec. Maria Christina Garcia Frasco matapos nitong makuha ang pangalawang puwesto bilang top-performing official sa ilalim ng administrasyong Marcos, Jr.

Ayon kay Madrona, ang pagkakalagay kay Sec. Frasco sa ikalawang puwesto ay isang malinaw na pagpapatunay lamang na “kayod-kalabaw” ang Kalihim para paggandahin at pasikatin sa ibang bansa ang turismo ng bansa.

Paliwanag pa ni Madrona na ang karangalang nakuha ni Frasco ay talagang nakalaan para sa kaniya o “deserve” nito sapagkat talaga naman napaka-sipag nito sa kaniyang trabaho at tungkulin para pasiglahin ang turismo ng bansa sa mga dayuhan at lokal na turista.

Ayon naman sa pinakabagong performance assesment ng “Boses ng Bayan” na isinagawa ng RP Mission and Development Foundation Inc. (RPMD) mula Setyembre 20 hanggang 30 nakuha ni Frasco ang 92.7% na job performance rating.

Sinabi pa ni Madrona na hindi matatawaran ang mga programa at inisyatibang isinusulong ni Frasco sa DOT na naglalayong makilala ang Pilipinas bilang nangungunang tourist destination sa buong bansa.

“Tayo ay nagpapaabot ng taos pusong pagbati kay Sec. Frasco. Pinapakita lamang dito na talagang deserve niya ang pagkilalang ito. Dahil gaya ng ating sinasabi dati pa, napaka-sipag ni Sec. Frasco para makilala ang ating bansa sa larangan ng turismo. Kung saan-saang bansa siya nagpupunta para lamang i-promote ang ating turismo,” sabi ni Madrona.

Ikinagalak din ng kongresista ang ikakasang programa ng Department of Tourism (DOT) sa pamamagitan ng paglalapat nito ng modernong teknolohiya sa larangan ng turismo ng bansa.

Nauna rito, inimbitahan si Tourism Sec. Maria Christina Garcia Frasco na lumahok sa World Trade Travel Market (WTM) na ginanap sa London. Tinalakay dito kung papaano ang Artificial Intelligence (AI) ay nakaka-apekto sa world travel.

Sinabi ni Madrona na pinagtuunan ng pansin sa talakayan ang pagpapabuti ng mga karanasan ng mga bumibistang turista kabilang na rin dito ang pagpapabuti o pagpapaunlad ng turismo sa Pilipinas.

Ang labis na ikinagalak ni Madrona bilang Chairperson ng Committee on Tourism ay ang paglalatag ni Sec. Ftasco ng programa sa pamamagitan ng teknolohiya upang mas lalo pang mapagbuti ang Philippine tourism upang mapakinabangan ang tourism sector.