Calendar
Ecija bgy chairman inambush, patay
JAEN, Nueva Ecija – Pinaulanan ng bala ng hindi pa nakikilalang mga lalaking sakay ng kotse ang isang barangay captain, na agad nasawi sa nangyaring pamamaril sa harapan ng kanyang bahay bago maghatinggabi ng Miyerkules.
Kinilala ni Nueva Ecija top cop Col. Ferdinand D. Germino ang napatay na si Mark Vic “Mac” Pascual, 41, ng Bgy. Don Mariano Marcos sa Población area ng bayan.
Siya ay pamangking buo ni Mayor Sylvia C. Austria at pinsan ni Vice Mayor Sylvester C. Austria, na aspirante sa pagka-bise alkalde at alkalde, ayon sa pagkakasunod-sunod sa 2025 local polls dito.
Sinabi ni Germino na iniimbestigahan pa nila ang motibo sa pamamaslang at ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang pamamaril habang nakaupo ang biktima kasama ang kanyang mga barangay tanod malapit sa front gate ng kanyang bahay alas-11:50 ng gabi.
Biglang huminto ang isang kotse sakay ang mga salarin at pinagbabaril ang biktima ng ilang beses na tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Matapos ang pag-atake, nagmamadaling tumakas ang mga suspek patungo sa hilaga habang ang biktima ay isinugod sa Nueva Ecija Medical Center sa kalapit na San Leonardo ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.
Sinabi ni Germino na nagsasagawa na sila ngayon ng pagsusuri sa mga kuha ng CCTV sa lugar para sa posibleng pagkakakilanlan at pag-aresto sa mga suspek.
Ito ang unang naitalang marahas na insidente sa bayan ng Jaen na naganap mahigit isang buwan matapos ang paghahain nitong Oktubre 1-8 ng certificates of candidacies ng mga electoral aspirants para sa lokal na botohan sa susunod na taon.