Calendar
Partner ng pinatay na bgy capt sumisigaw ng hustisya
JAEN, Nueva Ecija–Sumisigaw ng hustisya para sa napaslang na barangay chairman na si Mark Vic “Mac” Pascual ang kanyang live-in partner ilang araw matapos siyang patayin noong Miyerkules.
Ayon kay Corrine, 37, live in partner ni Pascual, tinapos ng walong bala ang buhay ng barangay captain kasama ang lahat ng magagandang pangarap nito para sa kanilang tatlong magkapamilya.
“Talagang kinabahan akong bigla nang makarinig ako ng sunud-sunod na putok ng baril sa labas kasi pababa na ako noon ng hagdan at titingnan ko siya kasi nga bakit lumabas pa siya,” kuwento ni Corrine.
“Ang ugali kasi ni Kapitan tuwing magsasara ng bilyaran eh che-chekin din niya ang mga bantay bayan sa may gate,” dagdag pa niya.
Kasama sa hanapbuhay nila Pascual ang pagmementina ng apat na mesang bilyaran sa loob ng compound ng kanilang pamilya na katabi ng kanilang apat na palapag na tirahan.
Ayon kay Corrine, wala siyang malamang dahilan o kaaway ng kanyang mister na gagawa ng ganoon sa kanya.
Wala din umano itong banta sa kanyang buhay.
Inamin niya na sobra siyang namimighati ngayon sapagkat naglahong parang bula ang lahat ng pangarap niya para sa kanilang pamilya at pati na din sa barangay sa nangyaring pagkamatay niya.
“Maraming siyang pangarap na proyekto kabilang dito ay mapasaayos ang Brgy. Don Mariano Marcos,” saad ni Corrine.
“Para sa aming solong anak na babae pangarap niya itong maging miyembro ng Bureau of Fire Protection pero sabi ko sa kanya ayoko yun kase gusto maging engineer ng aming anak dahil mahilig magdrawing,” dagdag pa niya.
Aminado siya na sobra siyang naiiyak dahil sa dami ng taong nagpupunta sa burol at nakikiramay sa kanila.
Nagpapasalamat din siya kay Mayor Sylvia C. Austria na tiyahin ni Kapitan at Vice Mayor Sylvester C. Austria sa ibinibigay nilang suporta sa kanilang pamilya.
“Close po sila Kapitan sa kanyang tiyahin na si Mayor Sylvia at pinsan na si Vice Mayor Sylvester,” sabi pa ni Corrine.
Sa November 20 ililibing ang pinaslang sa Jaen Cemetery.