Center Ang mga eksena sa loob ng Penaranda municipal evacuation center sa Brgy. Poblacion Dos matapos ang pre-emptive evacuation sa limang barangay.

103 pamilya sa NE inilikas sa ligtas na lugar

Steve A. Gosuico Nov 17, 2024
40 Views

CABANATUAN CITY–Nasa mga evacuation sites na ang daan-daang pamilya sa Gabaldon at Peñaranda, Nueva Ecija bago pa humagupit ang bagyong Pepito.

Sa Gabaldon, sinabi ni Mayor Jobby Emata na 46 na pamilya, na karamiha’y miyembro ng Dumagat indigenous group, ang inilipat sa mas ligtas na lugar mula sa mga baybaying malapit sa Dupinga river.

Sa Peñaranda, 57 pamilya ang inilikas na sa municipal evacuation center sa Brgy. Poblacion Dos at sa iba pang barangay hall.

“Isinasagawa itong pre-emptive evacuation para masiguro ang kaligtasan ng ating mga kababayan,” sabi ni Joey Ramos, ang mayor ng bayan.

Apektado ang 38 pamilya sa Brgy. San Josef, Santo Tomas, Sinasajan at Poblacion Dos habang naapektuhan din ang 19 na pamilya sa Brgy. Las Piñas.

Samantala, sinabi ni Nueva Ecija police chief Col. Ferdinand Germino na pinakilos na niya ang “Reactionary Standby Support Force (RSSF) ng command at agad na nakipag-ugnayan sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) upang matiyak ang pagtugon sa panahon ng kalamidad.

Sinabi ni Germino na lahat ng kanilang search and rescue (SAR) equipment masusing ininspeksyon at na-account para matiyak ang kahandaan sa mabilis na deployment kung kinakailangan.
Hinikayat din niya ang publiko na manatiling alerto at alamin ang updates ng panahon.