BOC Source: File photo

P5B halaga ng ipinagbabawal na vape products nasamsam ng BOC

10 Views

NAKAPAGTALA ng bagong rekord ang Bureau of Customs (BOC) sa laki ng nakumpiska nitong ipinagbabawala na vape product sa unang 10 buwan ng 2024.

UMABOT sa P5.07 bilyon ang halaga ng nakumpiskang iligal na vape product ng BOC sa maigting na pagpapatupad nito ng Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act (RA 11900) at Customs Modernization and Tariff Act (RA 10863).

Nangako ang mga opisyal ng BOC na ipagpapatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon upang mahuli ang nasa likod ng vape smuggling.

Kamakailan nagsagawa ng operasyon ang BOC sa isang vape shop sa San Pedro, Laguna kung saan P12.6 milyong halaga ng smuggled disposable vape ang nakumpiska.

Sa Quiapo, Manila, nakumpiska naman ng mga otoridad ang iba’t ibang vape device at pods na nagkakahalaga ng P6.475 milyon.

Noong Abril at Agosto 2024 ay sinira ng BOC ang bilyong halaga ng vape products na nakumpiska nito sa magkakahiwalay na operasyon.

Iginiit ng BOC na ang pagbuwag sa smuggling network ay nananatiling pangunahing layunin ng ahensya kaya pina-igting nito ang intelligence-sharing at mas mahigpit na nakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng gobyerno gaya ng Bureau of Internal Revenue (BIR), Department of Trade and Industry (DTI), at mga pribadong stakeholder.

Ang tagumpay ng BOC ay nagpapakita umano ang lumalakas na kampanya laban sa smuggling at pagbibigay ng proteksyon sa kalusugan ng publiko laban sa mga produkto na hindi dumaan sa pagsusuri.