DepEd Dumalo si Atty. Zuleika Lopez, chief of staff ng Office of the Vice President (OVP), sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability sa People’s Center ng Kamara de Representantes umaga ng Miyerkules at nanumpa na magsasabi ng totoo. Naroon din si Atty. Rosalynne Sanchez, ang director for administrative and financial services ng OVP. Kuha ni VER NOVENO

OVP COS kinumpirma inutusan siya na pagbitiwin 4 DepEd opisyal

12 Views

KINUMPIRMA ni Office of the Vice President (OVP) chief of staff Zuleika Lopez sa isinagawang pagdinig ng House Blue Ribbon nitong Miyerkules na inutusan siya ni Vice President Sara Duterte na hingin ang pagbibitiw ni dating Education Undersecretary Gloria Mercado at tatlo pang matataas na opisyal ng Department of Education (DepEd), na hindi dumaan sa due process.

Si Mercado, na unang nagpatunay na umano’y namahagi si VP Duterte ng cash envelopes sa mga opisyal ng DepEd noong siya ang Education Secretary, ay pinagbitiw kahit walang pormal na reklamo o pagdinig.

Sa pagdinig, tinanong ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro si Lopez ukol sa kawalan ng due process sa pagtanggal kay Mercado.

“I was instructed by the Vice President to call USec. Mercado and tell her that the principal has lost her trust and confidence in her,” pahayag ni Lopez sa harap ng House committee on good government and public accountability, na iniimbestigahan ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds ng opisina ni VP Duterte.

Nang tanungin ni Luistro kung binigyan ba si Mercado ng kopya ng reklamo, hearing o resolusyon, sumagot si Lopez ng, “No, your honor,” sa lahat ng puntos.

Binanggit ni Luistro ang bigat ng sitwasyon, aniya, “You will agree with me that this is a very serious thing, asking somebody to resign — somebody who has rendered service in the government for more than 30 years already. Tama po ba?”

Kinumpirma ni Lopez na si Mercado ay pinagbitiw batay lamang sa “loss of trust and confidence.”

Ayon kay Lopez, walang naging pagkakataon si Mercado na maipagtanggol ang sarili dahil hindi pinansin ang mga paliwanag nito sa kanilang pulong.

“I told her the reasons why the principal has already lost her trust and confidence, but I also told her that I was not the person she was to talk to because I am not part of DepEd,” ani Lopez.

Binatikos ni Luistro ang pahayag na ito, at tinukoy ang hindi pagkakapareho sa sinasabi ni Lopez na utos ito ni VP Duterte, ngunit hindi pinayagan si Mercado na magpaliwanag.

“When you will be advising USec. Mercado that she has to tender her courtesy resignation, you will be claiming that that is an instruction coming from your principal. And now that USec. Mercado is trying to explain herself, you will be telling her that you do not belong to DepEd,” sabi ni Luistro.

Sa kabila ng mga isyung ito, dinepensahan ni Lopez ang kanyang aksyon at sinabing sinunod lamang niya ang utos ni Vice President Duterte na noon ay DepEd Secretary rin.

“It was an instruction given to me by my principal,” ani Lopez, idinagdag na ang pagbitiw ni Mercado ay nakabase sa “loss of trust and confidence.”

Inihayag din ni Lopez na hindi nag-iisa si Mercado sa ganitong karanasan. May iba pang opisyal ng DepEd ang pinagbitiw ni Duterte gamit ang parehong dahilan.

“When I say isolated, ma’am, I use the term in a manner that it is not something I do regularly. It is only upon instruction of the Vice President,” paliwanag ni Lopez.

Kabilang sa iba pang opisyal na pinangalanan ni Lopez ay sina Usec. Kris Ablan, Assistant Secretary Christopher Lawrence Arnuco, Usec. Jose Arturo “Brady” de Castro at si Mercado.

Lahat sila ay pinagbitiw umano dahil sa “loss of trust and confidence” nang hindi dumaan sa formal complaints, hearings o resolutions.

Hindi tinanggap ni Luistro ang paliwanag ni Lopez na “isolated” ang mga kaso, aniya, “You said that this is an isolated occasion. Now, you admit that there are five other DepEd officials whom you advised to resign. Do you honestly believe na kung anim na sila, isolated pa ‘yan?”

Ang kawalan ng due process sa pagtanggal kay Mercado ay nagdulot diumano ng mas malalim na tanong ukol sa pamamahala ni VP Duterte sa kanyang tungkulin bilang Vice President at DepEd Secretary.

Binanggit ng mga kritiko na ang ganitong mga hakbang ay maaaring nakatuon sa mga opisyal na hindi sumusunod sa mga kontrobersyal na polisiya, tulad ng negotiated procurement program na tinutulan ni Mercado.

Si Mercado, na nagsilbi sa gobyerno nang mahigit tatlong dekada, ay tinanggal sa posisyon nang hindi binigyan ng pormal na pagkakataong ipagtanggol ang sarili.

Ayon kay Luistro, ang kawalan ng reklamo, pagdinig o resolusyon ay katumbas na ng constructive dismissal.

“What happened to USec. Mercado happened also to these three other DepEd officials… And therefore, what you did to them is constructive dismissal,” saad ni Luistro.