Calendar
PSC tutulong palakasin mga LGUs sa Batang Pinoy
MAGKASAMANG hinamon nina Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richard Bachmann at Puerto Princesa Mayor Lucilo Bayron ang mga local government units (LGUs) sa buong bansa na alagaan at mas palakasin pa ang mga kabataang atleta hindi lamang para sa kada taon na Batang Pinoy kundi pati para sa Pilipinas.
Kapwa sang-ayon sina Bachmann at Bayron sa malaking maitutulong ng pambansang programa para sa mga atletang edad 17-anyos pababa sa isinagawang press conference bago ang makulay na pagbubukas ng natatanging torneo na kasama ang mga kabataang out-of-school youth sa Ramon V. Mitra Sports Complex.
Sinabi ni Bachmann na nais ng ahensiya ng gobyerno sa sports na matulungan ang lahat ng mga LGUs sa aspeto ng pagpapalago at pagsasaimplementa ng iba’t-ibang sports habang umaasa si Bayron na mas makatulong lalo sa mga kabataan ng Puerto Princesa na maabot ang pinakamataas na tagumpay sa palakasan.
“We now have a total of 80 sports registered sa PSC na gusto namin na ibahagi sa lahat ng mga LGUs para kanilang matutunan at maibahagi sa kanilang mga atleta. Gusto natin din turuan at makita na ang mga LGUs ay merong partikular na sports kung saan sila talagang malakas,” sabi ni Bachmann.
Umaasa naman si Bayron na sa pangatlong pagho-host ng Puerto Princesa sa Batang Pinoy ay muling makamit nito ang pinakamataas na puwesto sa kada taon na torneo at makahanap ng natatanging atleta na makapagbibigay prestihiyo sa kanilang probinsiya bilang unang Olympian.
“Marami naman kaming mahuhusay na atleta dito na nakakapanalo sa pagsali nila sa Batang Pinoy. Kaya lang, bago pa sila makalaro uli para sa amin ay kinukuha na agad sila para maglaro sa ibang eskuwelahan o unibersidad,” nasabi lamang ni Bayron.
Ipinaliwanag naman ni Puerto Princesa Sports Director Rocky Austria na hangad din nila na makamit ang pinakaunang titulo ng probinsiya sa multi-sports na torneo na nagsimula noong 1999 bagaman asam nitong maisaimplementa ang isang nagpapatuloy na programa na kakalinga sa kanilang madedebelop na mga kabataan.
Samantala, umabot sa kabuuang 11,393 atleta, 2,841 coaches at 913 delegates para sa kabuuang 15,147 katao ang nagpartisipa sa opisyal na pagbubukas ng Batang Pinoy National Championships – Puerto Princesa 2024.
Pinamunuan ni Chass Mhaven Colas, na naging 2023 Batang Pinoy (5) gold medalists sa archery mula sa Baguio City ang Athletes’ Oath of Sportsmanship habang si Emerardo Claridad, tournament director ng Sepak Takraw, ang siya naman namuno sa Technical Officials’ Oath of Sportsmanship.
Ang tinanghal na 2023 Batang Pinoy gold medalist sa boxing mula sa Puerto Princesa City na si Cherry May L. Rosas naman ang nagsindi sa cauldron para sa pagbibigay ng simbolikong liwanag ng torneo.
Nakataya naman ngayong umaga sa unang araw ng kompetisyon sa paglalabanang 30 sports ang mga gintong medalya sa centerpiece sports na athletics at swimming pati na rin sa cycling na gagawin malapit na dinarayong Iwahig Penal Colony..