Flores Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores

Kung sa bomb joke may nakukulong: VP Sara posibleng makasuhan sa planong pagpatay sa Pangulo

15 Views

DAPAT umanong imbestigahan at kasuhan kung kinakailangan si Vice President Sara Duterte dahil sa pagsasapubliko nito ng kanyang pakikipag-usap sa isang hit man para patayin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Punto ni Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores, na isang abogado, kung may nakukulong dahil sa bomb joke, higit na may naghihintay na kaparusahan sa pagbabanta sa buhay ng pinakamataas na opisyal ng bansa.

“Kung ang simpleng bomb joke nga ay nagiging dahilan para arestuhin at ikulong ang isang tao, paano pa kaya ang pagbabanta ng kamatayan laban sa ating Pangulo? Death threats, especially directed at the President, should never be taken lightly,” sabi ni Flores.

Dapat aniyang aralin ng Department of Justice (DOJ) ang maaaring isampang kaso laban kay Duterte na direktang binantaan ang pangulo.

Tinukoy pa nito ang isang kaso nitong Agosto 2024 kung saan isang senior citizen ang pinababa ng eroplano dahil sa bomb joke.

Kung ang ganito aniyang mga pahayag ay may agarang aksyon at pagpapakulong mula sa mga otoridad, higit lalo kapag ang isang bise presidente ang nagbitaw ng mga pagbabanta.

“In that case, ang simple at biro lamang na bomb joke ay agad na inaksyunan. Ano pa kaya itong banta laban sa ating Pangulo? We urge the DOJ to look into possible criminal liability against Vice President Duterte,” dagdag pa ni Flores.

Sa pagiging emosyunal ni Duterte, nagbanta ito sa buhay nina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Marami ang nabigla at nanawagan ng pananagutan sa mga pahayag na ito na hindi dapat pag-uugali ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan.

“Death threats are a serious matter. Hindi ito dapat isantabi o balewalain. The vice president’s words were not only reckless but also dangerous. They undermine our democracy and the rule of law,” sabi ni Flores.

“Under our laws, death threats are considered a criminal offense,” diin pa niya.

Sabi pa ng mambabatas na kailangan harapin ng pangalawang pangulo ang magiging resulta ng kanyang sinabi lalo at mahalaga ang pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno.

“Ang pananagutan ay hindi lang para sa mga ordinaryong Pilipino. Kung ang isang senior citizen na nagbiro ng bomba ay agad na dinampot, dapat ay hindi exempted ang kahit sino, kahit pa ang bise presidente,” ani Flores.

Mas lalo aniyang naging mabigat ang mga binitiwang salita ng bise presidente dahil na rin sa hinahawakan niyang posisyon.

“As a public official, lalo na bilang bise presidente, she has a responsibility to uphold peace and order. Her words have weight, and her actions should set an example,” aniya.

“Kapag pinabayaan natin ang ganitong asal, it weakens the trust of the people in our institutions. We cannot let this slide,” dagdag ni Flores.