Hontiveros

Sen. Risa: POGOs front ng China sa spying ops sa PH

15 Views

SINABI ni Sen. Risa Hontiveros na ginagamit na “front” ang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) para sa spying operations ng China sa Pilipinas sa tulong ng ilang Pilipino na nagtatrabaho laban sa interes ng Pilipinas.

Binunyag ni Hontiveros ang impormasyon mula sa panayam kay Wang Fugui, isang personalidad sa imbestigasyon ng Senado ukol sa POGOs.

Ang testimonya ni Wang, na ipinakita sa pagdinig ng Senado, naglahad ng masalimuot na operasyon ng mga intelligence agencies ng China sa Pilipinas at ang pakikialam ng ilang opisyal at indibidwal na Pilipino sa pagpapadali ng mga aktibidad na ito.

Ayon kay Wang, ginagamit ang POGOs bilang mga fronts para sa pagkalap ng impormasyon, pagpapalaganap ng disinformation at mga kampanya ng impluwensya na pinangungunahan ng Chinese Communist Party (CCP).

Sinabi rin niyang ang ilang Pilipino ang may mahalagang papel sa pagtulong sa mga operatiba ng China sa pamamagitan ng pag-aayos ng kanilang pagpasok, pagproseso ng visa at pagbibigay ng access sa mga sensitibong lugar.

Sinabi ni Hontiveros, mula sa pahayag ni Wang: “There are Filipinos who have not only turned a blind eye but have actively supported these espionage operations. This is a betrayal of our sovereignty.”

Ayon pa kay Wang, may ilang opisyal na Pilipino na nagbigay ng logistical support sa mga ahente ng China na tumulong sa kanila na makabuo ng mga network at makaiwas sa mga awtoridad.

“This coordination is what allows Chinese intelligence assets like She Zhijiang to operate freely, even with warrants and criminal charges in their home country,” aniya.

Kinumpirma rin ni Wang na si She Zhijiang, isang Chinese national na diumano’y na-recruit ng CCP noong 2016, may access sa mga classified na dokumento ng gobyerno ng Pilipinas.

Kasama sa mga ito ang sensitibong impormasyon tungkol sa mga indibidwal na may kaugnayan sa POGO, tulad ni Guo Hua Ping.

Ipinakita rin sa testimonya kung paano ginagamit ang POGOs upang magpatakbo ng troll farms at mga kampanya ng propaganda.

Ang mga aktibidad na ito naglalayong manipulahin ang opinyon ng publiko, magpalaganap ng pro-China narratives at maghasik ng disinformation laban sa mga kritiko ng POGO operations.

Mukhang hindi lang sugal, scam at trafficking ang pakay ng mga compound na ito, kundi fake news din sa pamamagitan ng trolls, ani Hontiveros, na binigyang-diin ang testimonya bilang karagdagang ebidensya ng banta mula sa POGOs.

“Filipinos working against our country’s interests must face the consequences of their betrayal,” aniya.

Sa kanyang testimonya, idinawit din ni Wang si Michael Yang, dating economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, bilang isang pangunahing aktor sa operasyon ng POGO at aktibidad ng intelihensya ng China sa Pilipinas.

Muling nanawagan si Hontiveros ng masusing imbestigasyon sa papel ni Yang, na tinawag niyang isang pagtataksil sa tiwala ng bansa.

“Michael Yang is a key actor in Chinese intelligence operations here. Ginatasan na tayo, pinagtaksilan pa,” pahayag ni Hontiveros.

Nagbabala si Hontiveros na ang pakikialam ng ilang Pilipino sa mga operasyong pag eespiya diumano ng mga banyaga kung saan nagpapakita ng sistematikong kahinaan na sinasamantala ng ibang dayuhan na dapat tugunan ng gobyerno.

Nanawagan ang senadora para sa mas mahigpit na regulasyon, masusing kontrol sa imigrasyon at pinahusay na kooperasyon ng mga ahensya ng gobyerno upang masugpo ang mga network na ito.

“The Wang Fugui testimony is a wake-up call. We must act decisively against both foreign and local actors who threaten our sovereignty and security,” diin niya.