Calendar
Senado tinanggap panukala na dagdag P3B sa free higher education
UPANG mapunan ang kakulangan sa pondo ng pagpapatupad ng free higher education, tinanggap ng Senado ang panukala ni Senador Sherwin Gatchalian na maglaan ng P3.058 bilyon para sa 82 State Universities and Colleges (SUCs) sa susunod na taon.
Tinanggap ang naturang panukala ni Gatchalian sa inaprubahang bersyon ng General Appropriations Act (House Bill No. 10800) para sa taong 2025 sa Senado. Binigyang diin ni Gatchalian na makakatulong ang karagdagang pondo upang palawakin ang kakayahan ng mga SUCs na tumanggap ng mas maraming mga estudyante. Sa ganitong paraan, mas maraming mga kabataan ang makikinabang sa libreng kolehiyo.
Dahil sa dagdag na P3.058 bilyon, tumaas ng 13% ang kabuuang pondo ng free higher education para sa taong 2025 kung ihahambing sa inilaan ng National Education Expenditure o NEP. Nagbabala din ang senador na kung kukulangin ang pondo ng free higher education, maaapektuhan at bababa ang kalidad ng edukasyon. Mapipilitan kasi ang mga SUCs na pagkasyahin ang mga limitadong resources sa dumadaming bilang ng mga mag-aaral, bagay na maaaring magdulot ng mga nagsisiksikang classrooms, dagdag na trabaho sa mga guro, at overuse ng mga pasilidad kagaya ng mga laboratoryo at aklatan.
“Sa paglalaan natin ng sapat na pondo para sa Free Higher Education, hindi lamang ang patuloy na pag-aaral ng mga kabataan ang matitiyak natin. Masisiguro rin nating may kakayahan ang ating mga SUCs na maghatid ng dekalidad na edukasyon,” ani Gatchalian, co-author at co-sponsor ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931) o ang Free Higher Education Law.
Umaasa rin si Gatchalian ng iba pang output mula sa isang technical working group na magreresolba sa mga isyung may kinalaman sa kakulangan ng pondo ng free higher education.
Ani Gatchalian, inasahan na ang kakulangan sa pondo dahil ang naging batayan ng kompyutasyon ng Department of Budget and Management (DBM) ay ang mga billing pa ng free higher education ng nagdaang dalawang taon. Inconsistent daw ito sa batas na nagsasabing ang dapat maging batayan ng pondo ng free higher education ay ang mismong dami o bilang ng mga enrollees.
Kung gagamiting batayan ang enrollment billings sa paghahanda ng panukalang pondo para sa free higher education, hindi mabibigyang konsiderasyon ang inaasahang pagdami ng mga mag-aaral. Dahil dito, naging mas mabilis ang pagtaas ng enrollment sa SUCs kung ihahambing sa pagtaas ng pondo ng free higher education. Para sa 2025, inaasahang mas mataas ng 62.5% ang enrollment sa mga SUCs kung ihahambing sa naitala noong 2018. Inaasahan namang 46.1% lamang ang itataas ng pondo ng free higher education sa 2025 maliban na lamang kung pupunan ang inaasahang kakulangan.