Calendar
PSA kinumpirma: Walang Mary Grace Piattos
LUMALABAS na imbento lamang umano si Mary Grace Piattos na ginamit ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte upang bigyang katwiran ang paggastos nito ng confidential funds.
Ito ang sinabi ni House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun matapos na maglabas ng sertipikasyon ang Philippine Statistics Authority (PSA) na nagsasabing walang “Mary Grace Piattos” sa kanilang rekord.
“Kaya pala walang nag-claim ng P1 million reward kasi peke talaga,” ani Khonghun.
“Nakakabahala na umabot tayo sa ganitong level ng kasinungalingan. Sa mga opisyal ng gobyerno na dapat nagbibigay ng tamang impormasyon, imbento lang pala ang Mary Grace Piattos,” dagdag pa nito.
Ayon sa PSA, walang rekord na Mary Grace Piattos sa Civil Registry System (CRS) database kung saan naroon ang Certificate of Live Birth, Certificate of Marriage at Certificate of Death ng mga Pilipino.
“However, if additional information such as the name of parents of the subject, date and place of the vital event can be provided, we can search further and be able to ascertain whether the civil registry document is available in the database,” sabi ng PSA.
Ang kawalan ng rekord ni Mary Grace Piattos ay lalo umanong naglagay ng kuwestyon sa iregularidad sa paggamit ng confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), na dating pinamunuan ni Duterte.
“Hindi lang ito simple na isyu ng pangalan; pinagmumulan ito ng mas malalim na problema sa transparency at accountability. Kung kaya nilang mag-imbento ng ganito, ano pa kaya ang mga nakatagong transaksyon?” tanong ng kongresista.
“Sa bawat pisong ginagastos ng gobyerno, karapatan ng mamamayan na malaman kung saan ito napupunta. Pero paano kung ang kwento pa lang ay imbento na?” dagdag pa nito.
Isa rin umano itong kuwestyon sa liderato ni Duterte at sa uri ng pamumuno nito sa OVP.
“Kung ganito ang klase ng pamamahala sa OVP, paano natin masisiguro na tama ang paggamit ng pondo ng bayan?” tanong ni Khonghun.
“Ang dapat ay tapat. Walang lugar para sa mga kwentong imbento, lalo na sa isang tanggapang pinopondohan ng buwis ng taumbayan,” sabi pa nito.
Nanawagan din ang mambabatas sa Kongreso na lalong paigtingin ang pagsusuri sa pondo ng bayan upang matiyak na tama ang pagkakagastos dito.
“This is not just about one name. It’s about integrity in public service. Congress has a duty to protect the people’s money,” wika pa nito. “Dapat magkaroon ng mas mahigpit na proseso para hindi na maulit ang ganitong klaseng anomalya.”
“Paano aasahan ng taumbayan ang ating sistema kung ganitong klaseng kwento ang ginagamit? Panahon na para managot ang mga may sala,” dagdag pa nito.