Calendar
Madrona muling pinapurihan si Sec. Frasco para sa apat na award na nasungkit ng Pilipinas sa 2024 WTA
MULING ipinaabot ng Chairman ng House Committee on Tourism na si Romblon Lone Dist. Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang taos pusong pagbati nito para kay Department of Tourism (DOT) Sec. Maria Christina Garcia Frasco matapos na makuha ng Pilipinas sa ikalawang pagkakataon ang apat na prestisyosong tagumpay sa 2024 World Tourism Travel (WTA) Grand Final Ceremony.
Sabi ng Chairman ng Committee on Tourism na ang tagumpay na nakamit at nasungkit ng Pilipinas ay naka-angkla sa mga ipinapakitang pagsisikap at pagpupunyagi ni Sec. Frasco upang mapabuti at mapaunlad nito ang turismo ng bansa sa pamamagitan ng pagsusulong nito ng mga proyekto at programa.
Ayon kay Madrona, napakahalaga na mabigyan ng nararapat na kredito si Frasco sapagkat hindi matatawaran umano ang mga pagsisikap at pagnanais nitong mapaunlad ang Philippine tourism kabilang na dito ang pagtatayo ng Tourism Rest Areas (TRA) sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas na humahatak at nakakapagpa-engganyo ng maraming dayuhan at lokal na turista.
Ipinaliwanag pa ni Madrona na ang mga award na nakukuha ng Pilipinas ay isang matingkad na indikasyon lamang na mahusay ang pamamalakad ni Frasco sa Tourism Department para isulong ang sektor ng turismo ng bansa.
Dagdag pa ng kongresista na ang mga parangal na nakuha ng Pilipinas ay karangalan din para sa lahat ng mga Pilipino dahil itinatanghal din nito ang mga magaganda at makasaysayang lugar sa Pilipinas.