Mendoza

Show cause order inilabas vs may-ari, driver ng truck sa killer karambola

Jun I Legaspi Dec 6, 2024
33 Views

NAGLABAS ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa rehistradong may-ari at driver ng isang truck na sangkot sa isang aksidente sa Quezon City noong Huwebes, Disyembre 5, na ikinasawi ng hindi bababa sa apat na tao.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, inilabas ang SCO bilang bahagi ng imbestigasyon kaugnay sa karambola ng maraming sasakyan sa Katipunan Avenue flyover sa Barangay Loyola Heights, kung saan hindi bababa sa 30 tao ang nasugatan, at apat ang nasawi.

Batay sa ulat ng pulisya na isinumite sa LTO-Law Enforcement Service (LES), isang Isuzu Wing Van Truck na may Plate No. RJK-719 na minamaneho ni Richard R. Mangupag ay bumangga sa ilang sasakyan at motorsiklo sa lugar.

“Bahagi ng ating imbestigasyon ang pagtukoy kung may naging pagkukulang ang nakarehistrong may-ari ng truck, lalo na sa aspeto ng road worthiness at pagkuha ng driver,” ani Assec Mendoza.

“Apat ang namatay dito at mahigit 25 ang nasugatan at ang ating imbestigasyon ay upang matiyak na mabibigyan ng hustisya ang mga biktima ng insidenteng ito,” dagdag pa niya.

Sa SCO na nilagdaan ni LTO-LES Director Eduardo de Guzman, inatasan ang nakarehistrong may-ari ng truck na magbigay ng paliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng parusa kaugnay sa insidente.

“Dahil dito, ikaw bilang nakarehistrong may-ari ng nasabing sasakyan ay inaatasan na magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi ka dapat kasuhan ng administratibong paglabag sa Employing Reckless Driver,” ayon sa SCO.

Nakasaad din dito na ang pagkuha ng reckless driver ay paglabag sa Paragraph 7 Title IV ng Joint Administrative Order 2014-01.

Samantala, inatasan din si Mangupag na magsumite ng sarili niyang nakasulat na paliwanag kung bakit hindi siya dapat kasuhan ng Reckless Driving (Sec. 48 ng R.A. 41236) at kung bakit hindi dapat masuspinde o mabawi ang kanyang lisensya bilang Improper Person to Operate a Motor Vehicle kaugnay ng insidente.

Sinabi ni Assec Mendoza na ang pribilehiyo sa pagmamaneho ni Mangupag ay pansamantalang sinuspinde ng 90 araw, at inutusan din siyang isuko ang kanyang driver’s license sa o bago ang Disyembre 10, ang petsa ng unang pagdinig.

Dagdag pa ni Assec Mendoza, ang driver’s license ni Mangupag at ang Plate No. RJK-719 ay ilalagay sa alarm status upang pigilan ang anumang transaksyon habang iniimbestigahan.

“Ang pagkabigong humarap at magsumite ng nakasulat na paliwanag ay ituturing ng Tanggapan na pagwawaksi ng iyong mga karapatan na mapakinggan, at ang kaso ay dedesisyonan base sa mga ebidensiyang nakahain,” ayon pa sa SCO.