Calendar
Ang Muling Pagkabuhay
ANG ating pinakahihintay sa panahon ng Semana Santa ay ang muling pagkabuhay ni Hesu Kristo pagkatapos siyang ipako sa krus para sa ating mga kasalanan.
Ngunit marami sa ating mga ospital at doktor ay umaasa sa muling pagkabuhay ng PhilHealth o National Health Insurance Program. Ang kandidato sa pagkapangulo na si Bongbong Marcos ay isinasaalang-alang ang muling pag-aayos at pagpapalit ng state insurer na PhilHealth sakaling siya ang maging susunod na pangulo ng Pilipinas, na nagpapahayag ng kanyang pagkadismaya sa pamamahala nito sa maraming taon.
Mahalaga ang PhilHealth para maipatupad ang konsepto ng Universal Health Care o Kalusugan Pangkalahatan. Noong unang itinatag ang PhilHealth, ito ay nagmula sa isang komisyon na ang tawag ay Medicare. Kasali dito ang SSS at GSIS at maganda ang layuning magkaroon ng isang single payor o tagapagbayad ng gastos sa mga na-oospital sa Pilipinas. Ito ay hindi bagong pamamaraan kung saan ang estado o pamahalaan ng isang bansa ay bahala sa kalusugan ng mga mamamayan ng bansa.
Noong matapos ang pangalawang pandaigdig na gera o World War 2, maraming bansa sa Europa ang nagtatag ng sistema ng social risk protection sa kanilang mga bansa. Si German Chancellor Otto von Bismark ang gumawa nitong social protection o pag-aruga sa mga mamamayan mula sa pagsilang hanggang ikaw ay mamatay, “from womb to tomb”. Ginaya ito sa maraming bansa sa Scandinavia. Pati na rin ang United Kingdom ay mayroong tinatawag na National Health Service o NHS Trust na siyang sinisiguro ang kalusugan at pagpapa-ospital ng bawat mamamayan dito.
Ang pondo nila ay kinukuha sa taxes o buwis ng mga mamamayan. May nag-aaruga sa bawat tao na GP or general practitioner. Mataas ng mga suweldo ng mga mamamyan dito ngunit mataas din ang mga buwis nila para sa pondo ng kalusugan.
Sa Pilipinas, ang ginawa natin ay kinopya natin ang sistema sa Estados Unidos at hinayaan natin na kung ikaw ay mayaman, magpagamot sa ospital na pribado at kung ikaw ay mahirap ikaw ay magpagamot sa pampublikong ospital. Maayos sana ito, kung ang pamahalaan ay laging nagpapatayo ng maraming pampublikong ospital na may pondo mula sa buwis. Ngunit hindi ito naipatupad ng maraming Pangulo ng Pilipinas.
Noong 1994, ipinasa natin ang National Health Insurance Act. Isang batas na nagtatag ng PhilHealth. Ngunit ang ginawa natin ay hindi tax based, kundi premium based. Pinagbayad natin ang mga nagtratrabaho ng maliit na kontribusyon sa pondo ng PhilHealth. Nag umpisa ito sa halagang P200 kada buwan. P100 ay bayad ng empleyado at yung parteng P100 ay bayad ng employer o kompanya kung saan siya ay nagtratrabaho. Nagdagdag ang mga lokal na pinuno ng pamahalaan ng “sponsored program” kung saan sila ang nagbabayad ng premiums ng mga pinakamahihirap sa isang lugar. Hindi naging maganda itong sistema na ito dahil nababayaran lang ang premium ng mga mahihirap kung may kampanya o botohan. Sa madali’t sabi ay nahaluan ito ng pulitika.
Kung ikaw ay mahirap at bumoto ko sa kalaban ni meyor, ikaw ay naalis sa listahan ng sponsored program. Mayroon din naman mga tao na hindi naman mahirap pero kasama sa sponsored program ni meyor!
Kaya noong 2012, ay naipasa ang Sin Tax Law, karagdagang buwis sa sigarilyo at alak. Ito ang pinagkuhanan na pamahalaang nasyonal ng pondo para sa premium ng mga mahihirap. Dito gumana ang sistema at nagkaroon ng karagdagang pera ang mga pampublikong ospital para makabili pa sila ng mga makabagong gamit and magdagdag ng health care workers at suweldo nila.
Noong 2019 naman ay naipasa natin ang batas ng Universal Health Care. Dahil dito naging dalawa na lang ang kategorya ng miyembro. Ang Direct na miyembro kung saan ang miyembro mismo ang nagbabayad ng premium at Indirect na miyembro, kung saan ito ay para sa mga mahihirap, senior citizens at PWD na walang trabaho at nasyonal na pamahalaan ang magbabayad ng premium galing sa Sin Taxes.
Subalit intong mga nakaraang taong, may mga lumabas na hindi magandang sistema sa pag implementa at pagbayad ng mga ospital at doktor. Kaya noong tinanong si BBM tungkol sa mga plano niya sa PhilHealth ito ang kanyang mga sinabi. “Ang problema sa PhilHealth ay hindi isang medikal na problema, ito ay isang problema sa pamamahala,” sabi ni Bongbong sa isang pulong ng town hall kasama ang iba’t ibang mga kinatawan ng sektor sa Lambayong Municipal Hall, Sultan Kudarat noong Lunes.
“Kailangan nating palitan ang pangalan, muling ayusin, at palitan ang PhilHealth ng mas pinabuting ahensya. Maraming state insurers na maaari nating gayahin dahil ang health insurance ay nakakasira sa pananalapi ng gobyerno,” paliwanag niya. Sigurado akong tinutukoy niya ang sistema sa United Kingdom kung saan siya nakapag aral at nakibahagi sa isang maayos na health system ng NHS UK.
Sinagot ng dating senador ng tanungin siya ni Dr. Shay Evangelista—isang local internal medicine doctor—tungkol sa pagpopondo sa kamakailan-lamang na ipinatupad na Universal Healthcare (UHC) Law nang hindi “pinapabigatan ang mga direct members ng PhilHealth.” Para kay BBM, para masama ng batas ng UHC ang lahat ng Pilipino, dapat dagdagan ng pambansang pamahalaan ang pondong inilalaan nito para sa PhilHealth. Ipinunto niya, gayunpaman, ang problema sa PhilHealth, na ang ahensyang pangunahing inatasan na ipatupad ang batas ng UHC.
“Marami na ang humihiling na palitan ang PhilHealth dahil sa ilang isyu. Sa pananaw ni BBM, kung popondohan ang PhilHealth dapat ito ay ma-reorganize.Iminungkahi din niya na ang mga ordinaryong Pilipino ay dapat na ihiwalay sa mga high-income earners sa usapin ng health insurance. Sinabi ni Bongbong na dapat lamang saklawin ng PhilHealth ang mga Pilipinong hindi kayang bumili ng health insurance mula sa mga pribadong ahensya, hindi tulad ng mga sambahayan na may mataas na kita.”
“Sa health insurance, ihiwalay natin ang mga ordinaryong mamamayan sa mga mayayaman. Sa tingin ko iyon ang unang bagay na magagawa natin. Dapat lang na magbayad sila ng kontribusyon base sa kung magkano ang kanilang kayang bayaran,” sinabi ni BBM. “Hindi ito hanapbuhay, ito ay serbisyong pampubliko. Kung ang halagang nakolekta natin mula sa mga kontribusyon ng mga miyembro ay hindi sapat para pondohan ang UHC Law, dapat tayong maghanap ng iba pang mapagkukunan,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Bongbong ang pangangailangang suriin ang sitwasyon sa loob ng PhilHealth at i-audit ang pananalapi nito.”Kailangan nating tingnan ang mga libro. Ano ang problema? Sitwasyon? Katayuan? Magkano ang pondo nila? Magkano ang kulang? Tapos mag-a-adjust,” sabi ni BBM.
Nangako rin siya na magtatayo ng mas maraming pampublikong specialty hospitals at gagawa ng programa na mag-uutos sa mga bagong doktor at nars na magbigay ng serbisyo sa Pilipinas bago mag-abroad.
“Kailangan nating magkaroon ng programa para sa mga bagong doktor at nars, para manatili sila dito sa Pilipinas ng tatlo hanggang limang taon (pagkatapos nilang magtapos),” sabi ni BBM.
Sa kanyang pangwakas na pahayag, pinasalamatan ni Bongbong ang mga frontliners sa kanilang serbisyo sa panahon ng COVID-19 pandemic.”Hindi sapat ang pasasalamat sa iyo ng Pilipinas sa lahat ng iyong ginawa,” sabi ni Bongbong.
Maganda ang mga programang pangkalusugan ng UNITEAM. Ang plataporma sa kalusugan ng isang bansa ay mahalaga upang ang kabataan ay makapag-aral ang mga nagtratrabaho ay maaring kumita. Ito ang sabi ni Doc Ted.