ALTODAP president Boy Vargas ALTODAP president Boy Vargas

Gobyerno dapat umaksyon sa sunod-sunod na aksidente sa kalye — ALTODAP

Jun I Legaspi Dec 23, 2024
14 Views

ALTODAP president Boy Vargas

NANAWAGAN ang isang grupo ng transportasyon sa pamahalaan na umaksyon sa sunud-sunod na aksidente sa kalsada, partikular ang mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga trak, at itaas ang benepisyo ng insurance para sa mga biktima ng aksidente sa kalsada.

Ayon kay Boy Vargas, pangulo ng Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), nararapat na umaksyon ang gobyerno upang itaas ang bayad ng insurance bilang katarungan para sa lahat ng biktima ng aksidente sa kalsada.

“Araw-araw may namamatay at may nasasaktan dahil sa mga aksidente sa kalsada, kasama na dito yung mga permanent disability na napakalaking dagok sa pamilya kung ang biktima ay bread winner ng pamilya,” ani Vargas.

Kasama ng ibang grupo ng transportasyon, nananawagan ang ALTODAP na itaas ang death indemnity mula sa compulsory motor vehicle liability insurance mula P200,000 patungong P400,000 at ang permanent disability indemnity mula P50,000 patungong P100,000.

Hiniling din ng mga grupo na magkaroon ng property loss indemnity na nagkakahalaga ng P100,000 sa ilalim ng all-risk insurance.

Binibigyang-diin din ni Vargas na ang pagtaas ng indemnity hindi dapat paghati-hatian ng mga biktima at sa halip bawat biktima dapat makatanggap ng buong halaga.

“Ang nangyayari kasi ngayon yung P200,000 halimbawa paghahatian pa ng mga biktima.

Kung marami ang biktima gaya ng nangyari sa Katipunan flyover, ibig sabihin kakaunti na lang ang mapupunta sa mga biktima. Nasaan ang katarungan don?” tanong ni Vargas.

Batay sa datos ng World Health Organization, tinatayang 1.3 milyong tao ang namamatay sa mga aksidente sa kalsada taun-taon habang nasa pagitan ng 20 milyon hanggang 50 milyon ang nasusugatan, kabilang ang mga nagkakaroon ng kapansanan.

Sa Pilipinas, ayon sa datos ng United Nations, may average na 32 katao ang namamatay araw-araw dahil sa mga aksidente sa kalsada.

Bukod sa pagtaas ng indemnity para sa pagkamatay at permanent disability, nanawagan din si Vargas sa gobyerno na magkaroon ng interbensyon para mapabilis ang proseso ng insurance claims.

“Yung narinig natin yung kumpanya ng truck patuloy daw ang pag-reach out sa mga pamilya ng biktima. Eh ang tagal na nun baka hanggang ngayon nagre-reach out pa din eh kailangan ng biktima ng agarang tulong sa mga ganitong klaseng aksidente,” ani Vargas.

Sa insidenteng ito, binigyang-diin ni Vargas na ang insurance company ng trak na sangkot, sa pamamagitan ng Insurance Commission, ang dapat nakikipag-ugnayan sa mga biktima, lalo’t malinaw mula sa video at police report na may nasawi at nasugatan dahil sa aksidente.

“Ang hirap kase sa ibang insurance ay ang bilis pag kolektahan ng bayad pero kapag release na ng bayad paiyakan.

Kaya nga humihingi kami ng tulong sa ating pamahalaan na gumawa ng aksyon para dito,” dagdag niya.