BI Source: Bureau of Immigration

BI nasakote suspek sa human trafficking; 4 na biktima nasagip

Jun I Legaspi Dec 26, 2024
13 Views

NASAKOTE ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang pinaghihinalaang human trafficker at nasagip ang apat na sana’y mabibiktima nito sa Clark International Airport (CIA) noong Pasko.

Kinumpirma ni BI immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) chief Mary Jane Hizon na naharang nila ang apat na biktima at ang kanilang escort nang tangkaing umalis ng bansa patungong Singapore via Cebu Pacific.

Nasa edad 20-pataas ang apat na biktima na unang nagsabi na bibiyahe lamang sila bilang mga turista pero nabuking na hindi dahil sa beripikasyon.

Inamin ng mga ito na kasama nila ang isang 38-anyos na female escort at patungo silang Cambodia upang magtrabaho bilang encoders sa isang POGO-like company makaraang ma-recruit ng isang babaeng Indonesian.

Inamin naman ng escort na inutusan siya ng isang recruiter na tumulong sa apat na biktima papasok ng Singapore at saka magtungong Cambodia.

Inalok daw ang apat ng P60,000 salary para magtrabaho nang iligal sa abroad.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang mga ganitomg uri ng biktima kadalasang bumabagsak sa scam hubs.

Nasakote rin ng mga BI personnel ang ilang mga hinihinalang sangkot sa recruitment para sa scam at catfishing hubs.

Noong Dec. 10, isang 28-anyos na lalaki patungong Thailand ang naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 makaraang aminin na ni-recruit siya patungong Laos via Bangkok.

Tatlong babae at isang lalaki naman na nagpakilalang nagkakatrabaho at may company trip patungong Thailand ang naharang makaraang matuklasan na patungong Cambodia para iligal na magtrabaho.

Nitong December 18, limang indibidwal ang naharang matapos matuklasang magtatrabaho ng iligal sa Myanmar gamit ang counterfeit departure stamps na binayaran ng P20,000 sa kanilang recruiters.

Lima pang indibidwal ang naharang sa NAIA Terminal 3 matapos ma-recruit patungong Singapore para sa sahod na P50,000 kada buwan.

Sa Mactan, Cebu International Airport (MCIA), isang 27-anyos na babae ang naharang makarang ma-recruit patungong Thailand.