Calendar
Total ban sa bawal na paputok ipatutupad sa QC
SINABI ni Quezon City Police District (QCPD) chief P/Col Melecio Buslig Jr. na total ban sa paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok sa buong syudad upang matiyak ang ligtas at mapayapang pagdiriwang ng Bagong Taon.
Ayon sa Executive Order (EO) No. 28 at Republic Act (RA) No. 7183, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng Watusi, Piccolo, Poppop, Five Star (big), Pla-Pla, Lolo Thunder, Giant Bawang, Giant Whistle Bomb, Special, Atomic Bomb, Atomic Triangle, Large-size Judas Belt, Goodbye Delima, Hello Columbia, Goodbye Napoles, Super Yolanda, Mother Rockets, King Kong, Kwiton, Super Lolo, Goodbye Bading, Goodbye Philippines, Bin Laden, Coke-in-Can, Pillbox, Kabasi, Tuna at Goodbye Chismosa.
Nakipagtulungan din ang QCPD sa Quezon City government para ipatupad ang mga regulasyon sa ilalim ng QC Ordinance No. SP-2587 na pinalakas ng QC Ordinance No. SP-3233.
Ang mga mahuhuling lalabag maaaring mapatawan ng mga sumusunod na parusa: pagbebenta ng walang pahintulot multa na P1,000 o pagkakakulong ng hanggang 3 buwan at posibleng pagkansela ng business permit; paggamit nang walang pahintulot multa na P3,000 o pagkakakulong ng hanggang 6 buwan; paggawa nang walang pahintulot multa na P5,000 o pagkakakulong ng hanggang 1 taon.
Bawal din ang pagbebenta o pagbibigay ng paputok sa mga menor de edad. Ang mga lalabag dito mahaharap sa multang P5,000 o pagkakakulong ng hanggang 1 taon.
Upang masigurong nasusunod ang mga batas, magde-deploy ang QCPD ng mahigit 1,200 personnel at 2,203 force multipliers sa mga mall, transport hubs, parke, lugar ng pagsamba at iba pang lugar na madalas puntahan ng tao.
Mayroon ding 22 community firecracker zones at 2 fireworks display areas sa Quezon City na mahigpit na babantayan para sa kaligtasan ng publiko.
“Hinihikayat ko ang lahat na gumamit ng alternatibong paputok at sumunod sa batas habang ipinagdiriwang ang holiday season,” sabi ni P/Col. Buslig.