Dick Roderick Paulate

Roderick ipinagtanggol si Vice Ganda

Eugene Asis Jan 4, 2025
29 Views
Vice
Vice Ganda

SI Roderick Paulate ay isa sa ‘di natitinag na komedyante ng pelikulang Pilipino.

Hanggang ngayon, kinikilala ang kanyang husay kaya naman nang magdesisyon siyang huwag munang lumahok sa pulitika (matagal siyang naging konsehal ng Quezon City), kabi-kabila pa rin ang kanyang trabaho bilang aktor.

Kasama siya sa bagong serye sa GMA7, ang ‘Mga Batang Riles’ na mapapanood simula Lunes, January 6. Kasama rin siya ng Muhlach family (Aga, Charlene, Atasha and Andres) sa TV5 sitcom na ‘Da Pers Family’.

At tuwing napapanood si Roderick, naghahatid siya ng saya (at tawa) sa lahat. Pero alam ba ninyong bago siya naging isang mahusay na komedyante, isang seryosong aktor si Roderick?

Sa “Fast Talk with Boy Abunda,” ikinuwento niya kung paano nagsimula ang lahat.

“Sa set ng ‘John And Marsha sa Probinsya,'” ayon kay Roderick. “May ginawa akong scene, na lalaki siya na ‘Shirley, halika ka nga rito.’ Pero yun pala si Rolly ‘yung gusto niya puntahan.”

Ang ‘John and Marsha’ ay pinangungunahan ng comedy king na si Dolphy, kasama si Nida Blanca bilang Marsha. Si Maricel Soriano ang gumaganap na Shirley, habang si Rolly Quizon si Rolly.

Noong panahon na ‘yun, sariwa pa sa manonood na siya si Roderick Paulate, ang award-winning actor dahil sa kanyang dramatic roles. “Pero siya [Dolphy] ang nagsabi, ‘tawang-tawa kami sa’yo. ‘Lika nga dito anak. Dick, ayaw mo mag-comedy? Mag-comedy ka na lang. Ituloy mo na lang.”

Natatandaan pa ni Roderick ang sinabi ni Dolphy: “Kailangan ng bago.”

Kaya naman sinunod ni Roderick ang payo ng Comedy King. Ang dating seryosong aktor ay unti-unting nakilala bilang isang gay character sa mga comedy movie tulad ng “Mga Anak ni Facifica Falayfay,” “Gorio and Tekla,” “Petrang Kabayo” at marami pang iba.

Ano ang sikreto ng kanyang staying power?

“Feeling ko, blessed lang talaga ako na buhay pa rin (ang uri ng aking comedy). Old school. Kahit sa States, may nagme-message sa akin na kahit madaling araw para maging masaya sila, pinanonood nila ako.”

Aminado naman siyang nag-evolve na ang comedy.

“Siguro, may iba nang klase ang comedy,” aniya. “Aminin natin na nagbabago na ang comedy. Sa akin, keep it up lang. Pero yung sa akin. swabe swabe lang. Kasi, para sa akin sensitive pa rin ang Pinoy. ‘Wag nating kalilimutan na ‘pag sobra, masama.”

Ang uri ng comedy niya ay base lamang sa tunay na buhay. At ang isang mahalaga para kay Dick, “Yung ginagagamit ko ‘yung sarili ko sa katatawanan.”

Nakausap namin si Dick sa presscon ng “Mga Batang Riles” at bilang isang iginagalang na komedyante, hiningan namin siya ng komento tungkol sa sinasabi ng iba na hindi nagugustuhan ang uri ng pagpapatawa ng mga bagong uri ng komedyante.

“Kumita kasi at kinagat ng tao,” paliwanag niya. “Sabihin na natin na si Vice (Ganda) yun. Hindi kasalanan ni Vice ‘yun. Kinagat ng tao eh. Ang advise ko lang dapat, timplado lang. In person, pag nakikita ko si Vice magalang eh. Ang mahirap lang dyina-judge siya ng tao. Minsan, natural lang na magkamali ka. Hindi niya intention na makasakit. Nakikita ko ‘yung mga tao tumatawa. Pag siguro, nararamdaman niya na nasasaktan na ang tao, matututo rin ‘yan. Nangyari rin sa akin ‘yan.”