NHA

NGA iginawad pabahay sa 23 pamilyang Sibugaynon

Jun I Legaspi Jan 4, 2025
23 Views

IGINAWAD ng National Housing Authority (NHA) ang mga housing unit sa 23 pamilyang Sibugaynon sa isang seremonya na ginanap sa Imelda, Zamboanga Sibugay.

Isang pagtutulungan ng NHA at ng lokal na pamahalaan ng Imelda, ang iginawad na pabahay na bahagi ng 55-unit na San Jose Village Resettlement Housing Project.

Pinangunahan ni NHA Region 9 Manager Engr. Al-Khwarizmi U. Indanan, bilang kinatawan ni General Manager Joeben Tai, kasama si Zamboanga del Sur/Zamboanga del Norte/Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (ZDS/ZDN/ARMM-A) Officer-in-Charge Engr. Jessa Consuegra ang seremonya.

Dinaluhan din nina Imelda Mayor Jerry D. Silva at Vice Mayor Roselyn Silva, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan (SB), ang napakahalagang kaganapan.

Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Mayor Silva ang kanyang pasasalamat sa NHA dahil sa walang patid na suporta at dedikasyon sa pagbuo ng proyekto. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng mga bagong tahanan sa mga benepisyaryo, kung saan sumisimbolo ng pag-asa at katatagan. Gayunpaman, nagpaalala rin ang alkalde sa mga pamilya na maging responsableng may-ari, kasabay ang paghimok na pangalagaan ang kanilang bagong tahanan at komunidad.

Sa kabilang banda, pinuri naman ni RM Engr. Indanan ang matibay na samahan ng NHA at ng LGU ng Imelda, na nagsumikap upang maisakatuparan ang proyekto. Tiniyak din niya sa komunidad na prayoridad ng ahensya na mapondohan sa lalong madaling panahon ang mga nalalabing pabahay para sa iba pang pamilyang benepisyaryo.