Evidence

Rider, angkas huli sa pagdadala ng baril at bala

Edd Reyes Jan 8, 2025
21 Views

Suspek1 Suspek MotorBISTADO ang mga nalabag sa batas ng rider at kanyang angkas nang sitahin sa checkpoint na ikinasa ng pulisya Martes ng madaling araw Malabon City.

Bukod sa hindi pagsusuot ng hindi tugmang uri ng helmet, napuna rin ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan kay alyas “Jayson”, 28, ng Pook United, Loma De Gato, Marilao, Bulacan ang naka-umbok na puluhan ng baril sa kanyang baywang habang biglang isinilid ng ka-angkas niyang si alyas “Kellie Ryan”, 21, ng Phase 3, Pabahay 2000 Brgy. San Jose Del Monte, Bulacan sa bulsa ng suot na jacket ang dalawang bala ng shotgun.

Nang makumpiska nina P/Capt. Gary Ignacio, deputy commander ng Police Sub-Station-3, kay Jayson ang paltik na baril at bala kay Kellie Ryan, hinanapan ang una ng kanyang lisensiya at rehistro ng walang plate number na minamanehong Aerox motorcycle subalit wala siyang mai-prisinta na dahilan para ma-impound ang motorsiklo.

Ayon kay Col. Baybayan, inatasan na niya ang mga tauhan ng Anti-Carnapping Unit upang suriin sa Highway Patrol Group (HPG) kung naka-alarma ang motorsiklo na posibleng tinangay at tinanggalan ng plaka upang hindi mapuna habang inaalam na rin kung may iba pang kasong kinasasangkutan ang dalawang nadakip.

Sinabi ng opisyal na kakasuhan muna nila ng paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms ang Ammunition Act at R.A. 41336 o Land Transportation and Traffic Code ang mga suspek, habang hinihintay pa ang resulta sa hiling nila sa HPG at kung may iba pang kasong kinakaharap ang dalawa.